ISANG programang pangkalusugan ang matagumpay na nailunsad para sa mahigit 200 Bocaueño mula sa inisyatibo ni Vice mayor Sherwin N. Tugna na suportado ni Mayor JonJon Villanueva sa ginanap na medical mission sa Lolomboy Covered Court nitong Biyernes, Marso 31.
Ang nasabing aktibidad ayon kay Vice Mayor Tugna ay upang maihatid sa mga Bocaueño ang kaniyang programang pangkalusugan kung saan ang nabanggit na mahigit 200 benepisyaryo ay nabigyan ng libreng laboratory exam, eye consultation, eyeglasses at mga gamot.
Kabilang sa mga laboratory exam o test ay FBS, total cholesterol check, BUN, uric acid, CBC with platelet, urinalysis, SGPT, ECG at eye exam na kung saan ang lahat ng ito ay libreng makukuha ng mga beneficiaries.
Ayon kay Tugna suportado ito ni Mayor Villanueva katuwang ang mga volunteer barangay health workers na isang pagpapatunay lamang ng kanilang sinsero at tapat na paglilingkod sa taumbayan. “Ito po ay parte ng ating komprehensibong programa para siguraduhin na mabuti ang kalusugan ng mga Bocaueño, at patuloy na ilapit ang serbisyo sa mamamayan,” ayon kay Tugna. Bida ni Tugna, una lamang ito sa marami pang mga medical missions at iba pang katulad na programa na na kaniyang ilulunsad sa iba’t-ibang barangay sa Bocaue.
“Dahil galing po ako sa inyo, alam ko po na sa panahon ng kagipitan, mahirap ang magkasakit. Sabi nga nila, “health is wealth.” Kapag healthy po tayo, healthy din tayong makakapagtrabaho para sa ating mga mahal sa buhay. May ginhawa at kasaganahan sa mabuting kalusugan,” wika ni Tugna.