LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sentro ng mensahe sa paggunita ng Ika-126 Taong Anibersaryo ng Kabayanihan ni Dr. Jose P. Rizal ang pagbibigay ng lalong malaking pag-asa sa mga kabataan na itinuturing na pag-asa ng bayan.
Iyan ang tinuran ni Bise Gobernador Alexis Castro nang pangunahan niya ang idinaos na programang pang-alaala sa Museo ng Kasaysayang Pampulitika sa Casa Real ng Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Aniya, kung inaasahan ang mga kabataan na maging pag-asa ng bayan, makatwirang bigyan sila mismo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiyak na sila’y nakakatamo ng magandang kalidad ng edukasyon, nabibigyan ng suporta sa mga nilalahukang paligsahan at nagbubukas ng mga oportunidad upang lalong maipalabas ang angking husay at talino.
Kinatigan naman ito ni Malolos City Vice Mayor Miguel Bautista na nagsabing ang pangangalaga sa mga pag-asa ng bayan at pag-iingat din sa kinabuksan ng bansa. Ito’y upang maagapayan ang mga kabataan na tuparin ang kani-kanilang mga pangarap na magiging malaking ambag sa pagbubuo ng bayan at lalong pagsulong ng Pilipinas.
Ito na ang pangatlong taon na ginunita ang kabayanihan ni Dr. Rizal sa Casa Real de Malolos mula nang umiral ang Panglungsod na Kapasiyahan Blg. 87-2020. Tungkol ito sa pagiging permanente nang aalalahanin ang mga petsa na may kinalaman sa buhay, ginawa at isinulat ni Dr. Rizal sa Casa Real de Malolos.
Taong 2010 nang pasimulan ng Order of the Knights of Rizal sa Bulacan ang pagsasagawa ng mga programang pang-alaala para sa anibersaryo ng kapanganakan at kabayanihan ni Dr. Rizal sa Casa Real de Malolos.