LUNGSOD NG MALOLOS — Natiyak ng Social Security System o SSS ang benepisyo ng may 185 na mga manggagawa sa pitong pribadong kumpanya sa lungsod ng Malolos na hindi naghuhulog ng nasa 8.2 milyong pisong kontribusyon.
Sa ginanap na Run Against Contribution Evaders o RACE campaign ng Malolos branch, sinadya ng mga opisyal ng SSS ang nasabing mga employer upang paalalahanan sa obligasyon na magsumite ng aplikasyon sa Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP 3 bago ang Nobyembre 22, 2022.
Ayon kay SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada, ang PRRP 3 ay isang programa nitong government owned and controlled corporation upang maalalayan ang mga delinquent employers na makabayad.
Ang sistema, kapag pumasok sa PRRP 3 ang isang delinquent employers, mabibigyan ito ng pagkakataon na makapagbayad ng kontribusyon at interes na wala nang penalties.
Halimbawa, mayroong siyam na buwan ang isang delinquent employer para makabayad kung nasa 50 libong piso pababa ang hindi naihuhulog na kontribusyon.
Para naman sa may mahigit sa 10 milyong piso ang halaga ng mga hindi naihuhulog, dapat mabayaran na ito sa loob ng limang taon.
Ipinaliwanag naman ni Chelin Lea Nabong, branch head ng SSS-Malolos, na ang RACE ay hindi tungkol sa pagsita o paghabol lamang sa mga delinquent employers kundi upang matiyak ang benepisyo ng mga empleyado.
Pangunahing apektado ng mga kontribusyon ang mga benepisyo sa panganganak, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagkabaldado, pagkamatay at hanggang sa paglilibing.
Kapag hindi aniya kumpleto o maayos ang kontribusyon ng mga empleyado sa nasabing mga pribadong kumpanya, magkakaroon ito ng epekto sa benepisyo na makukuha.
Umaabot sa 5,684 ang mga aktibong employers na nasa tala ng SSS-Malolos branch na kinasasaklawan ng may 30 libong mga manggagawa sa pribadong sektor na nasa Calumpit, Hagonoy, Paombong, Malolos at Guiguinto.