LUNGSOD NG MALOLOS — Naipadala na ng pamahalaang lungsod ng Malolos sa lahat ng nasasakupang barangay nito ang tig-iisang bagong medical oxygen.
Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, magsisilbing “stand by” ang mga ito sakaling may mamamayan na magkaroon ng severe COVID-19.
Nananatili pa rin aniya ang pandemya kaya’t kinakailangang mas paigtingin pa ang paglaban rito.
Kalakip ng pagdedestino ng mga medical oxygen, binuo ang Barangay Emergency Response Team at sinanay sila ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa kahilingan ng pamahalaang lungsod.
Layunin nito na makatugon agad ang isang pamahalaang barangay kapag may mamamayan itong nangangailangan ng agarang pagsagip gaya ng medical oxygen.
Magiging pantawid din ito sakaling may pasyente na hindi agad madadala sa ospital.
Gayundin, malaking bagay itong pangsagip habang nakasakay sa ambulansya lalo na kung malayo ang panggagalingan ng pasyente.
Matatandaan na naging hamon ang suplay ng medical oxygen noong Hulyo hanggang Setyembre 2021 kung kailan tumama ang Delta variant ng COVID-19.
Kaugnay nito, maagang pagtugon ito ng pamahalaang lungsod habang hinihintay na maitayo ng pamahalaang panlalawigan ang proyektong Medical Oxygen Plant sa bakuran ng Bulacan Medical Center.
Kalaunan ay ito na rin ang magsasagawa ng refilling sa mga oxygen tank na ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod sa mga barangay.
Samantala, bilang pag-agapay sa mga barangay na may limitadong sasakyang bayan para makapagsugod o makapaghatid ng pasyente sa mga ospital, nagpundar ang pamahalaang lungsod ng limang bagong mga ambulansia.
May isa din na ipinagkaloob ang Philippine Charity Sweepstakes Office.