HINDI pa man nauupo bilang Kinatawan ng Ika-4 na Distrito ng Nueva Ecija ang congressman-elect na si Gapan City Mayor Emerson “Emeng” Pascual ay sinisimulan na nito ang paglilingkod sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga karaniwang gamit ng mga magsasaka.
Nitong Sabado (May 14, 2022) ay pumarada ang nasa 30 farm equipment na pang-araro (kubota) na ipinamigay ni Mayor Emeng para sa mga magsasaka ng lokal na pamahalaan ng Jaen.
Ito ay ilan lamang sa mga ipinangako ni Mayor Emeng sa kaniyang mga nasasakupan sa 4th District ng Nueva Ecija na mabigyan ng kasaganahan ang mga magsasaka at isa na nga rito ang pamimigay niya ng pang-araro.
Marami ang humanga at nagulat sa ipinamamalas ni Mayor Pascual bilang isang lingkod serbisyo hindi pa man siya tumatakbo bilang kongresista. Punong Lungsod pa lamang ng Gapan ay talagang todo serbisyo na ang kinakitaan sa kaniya ng taumbayan.
Dahil sa kaniyang sipag at maayos na paglilingkod, serbisyong tapat at may puso ay iniluklok siya ng mga taga-4th District bilang isang congressman makaraang manalo sa nagdaang 2022 elections.
Si Mayor Emeng ay tumatak din sa puso at isip ng mga tao dahil sa naging performance nito sa dumaang pandemiya matapos kakaiba ang ayudang ipinamahagi nito sa kaniyang nasasakupan.