LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Tinawagan ng pansin ng Social Security System o SSS ang mga employer sa Marilao, Obando, Bulakan at Meycauayan na hindi nakakapaghulog ng kontribusyon ng kani-kanilang mga empleyado.
May inisyal na anim na mga employer sa Marilao at Meycauayan ang sinadya ng SSS-Meycauayan bilang bahagi ng nireporma at pinaigting na Relief Afforded to Challenged Employers o RACE.
Sila ay nasa sektor ng cosmetic, retail, restaurant, telecommunication at hardware na inisyuhan ng demand letters ng SSS.
Ayon kay SSS Meycauayan Branch Manager Ma. Theresa Ribuyaco, pangunahing layunin ng nireorganisang RACE na hindi lamang tawagan ng pansin ang mga employers, kundi maagapayan sila na makapagbayad upang mapangalagaan ang kapakanan at interes ng mga manggagawa.
Inialok sa mga employers na samantalahin ang Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP 2 o ang Condonation of Penalties on SSS Contributions at ang PRRP 3 na Enhanced Installment Payment Program.
Mayroong hanggang Mayo 19, 2022 ang nasabing mga employers kung ang babayaran ang mga hindi naihulog na kontribusyon sa pamamagitan ng PRRP 2.
Isa ito sa mga condonation program ng SSS kung saan maaaring magbayad ang mga employers ng principal at interes na wala nang penalties.
Kung hindi talaga makakabayad, mayroon namang PRRP 3 na hanggang Nobyembre 22, 2022 kung saan uubrang hulug-hulugan ng mga employers ang mga hindi naibayad na kontribusyon mula sa principal, interes at penalties.
Nasa 7,800 na mga employers ang nakarehistro sa SSS Meycauayan kung saan nasa 4,510 ang aktibo.
Ayon kay Vic Bryon Fernandez ng Luzon Central 2 Operations Legal Department, 178 sa kanila ang pinadalahan ng SSS ng demand letter upang makapagbayad ng mga hindi naihuhulog na kontribusyon na aabot sa P58 milyon.