LUNGSOD NG MALOLOS — Muling uupo sa Kapitolyo para sa ikalawang termino si Gobernador Daniel Fernando matapos maiproklamang nanalo sa katatapos na 2022 elections.
Siya ay nakakuha ng 987,160 boto. Tinalo niya si Bise Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na nakakuha ng 586,650 na boto.
Nanalo naman bilang Bise Gobernador si Bokal Alex Castro na may botong 755,786 laban kay dating Gobernador Joselito Mendoza na may 626,656 na boto.
Tiniyak ni Fernando na tututukan ng kanyang ikalawang termino ang pagsusulong na ganap na maka-ahon ang Bulacan sa nararanasang pandemya.
Nakapaloob dito ang lalong pagpaparami ng suplay ng pagkain sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng Productivity Center sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.
Ito ang magsisilbing paramihan ng baka, baboy, manok, isda, gulay at prutas na tutugon sa pangangailangan sa pagkain ng mga Bulakenyo sa panahon ng kalamidad sa halip na bumili pa.
Kakambal nito ang pagsisimula ng operasyon ng Farmers and Fisherfolks Training Center upang higit na maiangat ang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda sa mga makabagong pamamaraan.
Target ding pasimulan ang operasyon ng mga natenggang mga district hospital sa Obando, Pandi at Angat.
Sa kalikasan, pauumpisahan ang seryosong paglilinis at paghuhukay sa Marilao-Meycauayan-Obando River System.
Samantala, naiproklama na rin ang mga nanalong bago at muling uupong mga kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng ngayo’y pitong distrito na ng Bulacan.
Una rito ang pagkakaproklama kay dating Public Works and Highways Undersecretary Salvador Pleyto bilang kauna-unahang magiging kinatawan sa bagong ika-anim na distrito na kinabibilangan ng mga bayan ng Santa Maria, Norzagaray at Angat.
Sa botong 81,307, tinalo ni Pleyto ang pinakamalapit na kalaban na si Norzagaray Mayor Alfredo Germar na may 76,430 boto.
Uupo naman na kauna-unahang kinatawan ng ika-limang distrito si Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz na nakakuha ng botong 128,065 laban kay Arnel Alcaraz na may botong 112,899.
Sakop ng bagong distrito na ito ang mga bayan ng Guiguinto, Balagtas, Bocaue at Pandi.
Sa natitirang mga bayan ng Baliwag, Bustos at Plaridel sa ikalawang distrito, magiging kinatawan dito si Augustina Dominique Pancho na magiging kapalit ng kapatid niyang si Gavini.
Nakakuha siya ng botong 137,276 na may malaking lamang sa tatlong nakalaban.
Magbabalik namang kinatawan ng ikaapat na distrito, na nakakasakop sa lungsod ng Meycauayan, Marilao at Obando, si Meycauayan City Mayor Linabelle Ruth Villarica na nanungkulan na sa nasabing posisyon mula 2010 hanggang 2019.
Humakot siya ng botong 180,067 laban sa pinakamalapit na kalabang si Raquel Guardiano na may botong 11,476.
Sa ikatlong distrito, uupong muli si Kinatawan Lorna Silverio na nanalo sa botong 143,698 laban kay dating San Rafael Mayor Jesus Viceo na nakakuha ng 61,528 na boto.
Nauna nang nakatapos ng tatlong termino si Silverio mula taong 2001 hanggang 2010. Muli siyang nakabalik sa nasabing posisyon noong 2016.
Si dating Malolos City Mayor Danilo Domingo naman ang magiging bagong kinatawan ng unang distrito na nakakuha ng botong 202,712.
Tinalo niya ang nasa ikalawang termino na si Kinatawan Jose Antonio Sy-Alvarado na may 140,798 na boto.
Si Kinatawan Florida Robes pa rin ang uupo sa pagka-kongresista para sa Lone District ng lungsod ng San Jose Del Monte sa botong 136,249.
Tinalo niya si dating San Jose Del Monte Mayor Reynaldo San Pedro na nakakuha ng 75,962 na boto.