MGA MENSAHE AT PASASALAMAT, MATAPOS ANG HALALAN 2022

Ngayong tapos na ang Halalan 2022 (Presidential at local elections,) nawa ang mga pangakong binitiwan ng mga nanalong kandidato ay magkatotoo.

Maraming naniniwala at umaasang mamamayan sa mga pangako ng kanilang politikong ibinoto, na ang kanilang kalagayan sa buhay ay magbabago at mabibigyan ng ibayong sigla sa hinaharap. 

Ano nga ba ang pangako? Ito ay isang pagpapahayag o katiyakan na ang isang tao ay gagawa ng isang partikular na bagay o na ang isang partikular na bagay ay mangyayari. 

Tsk! Tsk! Tsk! Sana ay mangyari ang lahat ng binitiwang pangako ng ating mga ibinoto. Para sa mga nanalo ay ipamalas ninyo ang inyong karunungan, galing, talino at damdamin sa inyong mga gagawin para sa kapakanan ng taumbayan at kaunlaran ng bansa.

Iba ang hiwatig na nararamdaman ng Katropa  para sa pagka-panalo ni President-elect Ferdinand Marcos Jr., sa katatapos na Halalan 2022. ‘Good vibes,’ tiyak na ibabangon niya ang nadurog at nadungisang pangalan ng kanyang pamilya, at sa aking tantiya, ang kalagayan ng Pilipinas ay sisigla at ang ibayong kaunlaran ay kinikinita. 

Tsk! Tsk! Tsk! Tantiya ng Katropa, na sana naman ay magkatotoo.

Bigyan daan natin ang ating nakalap na mensahe mula kina Mayor Arthur Robes ng Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) at Mayor Rico Roque ng bayang Pandi. Narito po: 

“Maraming Salamat po sa bawat isang San Joseño na muling naniwala at sumuporta sa aking mga adhikain para sa Lungsod ng San Jose del Monte. Aming tutumbasan ang inyong pagtitiwala ng mga programa at serbisyong may agarang tugon. Samahan po ninyo ako sa aking patuloy na paglilingkod para bawat mamamayang San Joseño, ng may puso at adhikaing maiangat ang bawat isa. Arya San Joseño,” wika ni Robes. 

Ayon naman kay Mayor Roque, “Maraming salamat po sa muling pagtitiwala. Magkakasama pa din po tayong sasalubungin ang bagong umaga upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyong puno ng puso at talino mga mahal kong ka-Pandieño.”

Tsk! Tsk! Tsk! Nagpaabot din ng mensahe si Bulacan Gov. Daniel Fernando sa Katropa. “ Magandang araw! Maraming salamat Pareng Vic at sa iyong pamilya!” Nakatangap ang Katropa ng mga imbitasyon mula sa iba pang mga kaibigang nanalo, sa katatapos na halalan, para sa kanilang isasagawang mga salu-salo, pagkatapos ng bilangan. Mabuhay at maligayang bati muli sa mga nanalo sa Halalan 2022!