ASAHAN na ng mga Bocaueños na muli nang matutunghayan at madarama ang mga programang naiwan ni Mayor Joni Villanueva-Tugna matapos mag-wagi ang tambalang Jon-Jon Villanueva bilang mayor at Sherwin Tugna bilang vice-mayor nitong 2022 elections.
Bandang alas-4:35 ng umaga (May 10, 2022) ay pormal na pinroklama ni Municipal Board Of Canvassers (MBOC) Chairman Remedios Soria ng Commission on Election (Comelec) sina Mayor Eduardo Villanueva Jr. at si Vice-Mayor Sherwin Tugna bilang opisyal na nananalong kandidato sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Kasama rin sa ipinroklama ng COMELEC ang mga konsehales ng Bocaue Solid Team sina Konsehal Alvin Cotaco, Konsehal Mira Bautista, Konehal Boy Takong Del Rosario, Konsehal Noriel German, Konsehal Jerome Reye at Konsehal Aries Nieto.
Sa pagkapanalo ng majority line-up ng Villanueva-Tugna ay hudyat nang muling pagbangon ng bayan ng Bocaue na halos 2 taon umanong nangulila sa maayos na pamamahala at magagandang proyekto dahil sa pagpanaw ni Mayor Joni.
Ayon kay Mayor-elect Jon-Jon Villanueva, ang kanilang pagkapanalo at ipinaglaban ay laban para kay Mayor Joni at sa mga Bocaueños.
Pahayag naman ni Vice-mayor elect Sherwin Tugna, itutuloy nila ang lahat ng naiwang magagandang pangarap na nais ni Mayor Joni sa bawat residente ng Bocaue.
Ang kanilang pagkapanalo ay hindi ibig sabihin ay tapos na ang laban.
Ayon kay Tugna, ang kanilang pag-upo bilang mga bagong lider ay simula pa lang ng kanilang kampanya na mabigyan ng maayos at masaganang buhay ang bawat Bocaueño na siyang pangarap ni Mayor Joni noong ito ay nabubuhay pa.