HINDI pagkukulang o kapabayaan ng Lokal Na Pamahalaan ng Angat, Bulacan kung bakit hindi mabuksan sa publiko ang pampublikong pagamutan na matatagpuan sa Barangay Poblacion.
Ito ang paglilinaw ni Mayor Narding De Leon, ang tinaguriang “Alamat ng Angat” para sa kaalaman ng mamamayan ng bayan ng Angat kung saan ang proyektong ito ay sa ilalim ng provincial government at hindi ng munisipyo.
Nabatid na marami rin naging dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin pinayagan ng Department Of Health (DOH) na buksan sa publiko ang Angat Hospital.
Ilan sa mga pagkakaroon ng teknikal kung bakit hindi ito makapg-operate ay dahil nadiskubre na sub-standard ang pagkakatayo ng nasabing hospital at hindi nakapasa sa standard level ng DOH.
Wala rin umanong parking space ang nasabing pagamutan kaya hindi talaga makapapasa sa DOH ayon kay Mayor De Leon.
Ang proyekto ay hindi pa rin naitu-turn over sa provincial government mula sa kontraktor nito dahil sa maraming mga pagkukulang ng konstruksyon kabilang na ang maling disenyo.
Ayon kay Mayor De Leon, ang nasabing proyekto ay panahon pa ng administrasyon ni Gob. Willy Alvarado at bahagi ng P1.7 bilyong pondo para sa mga itatayong district hospital sa Bulacan.
Napag-alaman na maliit ang ginamit na lote sa naturang pagamutan kaya kailangan pang pondohan ni De Leon ng P4-milyon ang extension ng lupa para sa nasabing ospital subalit kulang pa rin para sa hinahanap na standard lot area nito.
Paliwanag ng alkalde, minadali ang naturang pagawain ng kontraktor nito at dahil sa mga teknikal na kinalabasan ay ayaw itong bigyan ng clearance ng DOH kaya naman nabalang ang pagbubukas nito na dapat sana ay matagal nang panahong napakinabangan ng taumbayan.
Ipinaliwanag ito ni De Leon para na rin sa kaalaman ng mamayan ng Angat upang malinawan kung sino talaga ang dapat sisihin sa naturang proyekto matapos ibato sa kaniya ng kaniyang mga kalaban ang sisi at siya ay sinisiraan gayung ito aniya ay wala sa kaniyang hurisdiksyon.
“Isa lang ang malinaw dito, inapura ito para lumabas agad ang pondo at hindi para ipaglingkod sa taong-bayan,” ayon sa alkalde.
Panawagan ni De Leon, huwag sana agad maniwala sa kumakalat na maling impormasyon kaugnay ng isyu sa ospital, bagamat ito ay proyekto ng Kapitolyo ay sinikap niya na ituloy at mabuksan ang ospital subalit dahil sa puno ito ng mga anomalya ay ayaw itong payagan ng DOH para mag-operate.
Aniya, ang mga paninira at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanila ay bahagi ng desperate move ng kanilang kalaban dahil sa mataas na survey ng “Jumong-Narding” Team.
Nabatid na panalo sa mga isinagawang private polling survey ang tambalang Leobardo “Jumong” Piadozo, kandidatong alkalde at Mayor Narding na kandidato naman bilang bise-alkalde sa ilalim ng National Unity Party (NUP).