21,553 magsasaka tumanggap ng financial aid mula sa RCEF

Natanggap na ng nasa 21,553 na mga magsasaka ng Palay na may dalawang ektarya pababa na mga sakahan sa Bulacan, ang tig-P5 libo na Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Pinagkalooban ng Department of Agriculture (DA) ng tig-P5 libong Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) ang may 21, 553 na mga magsasaka ng Palay sa Bulacan mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa ilalim ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203.

 

Ayon kay Gloria Carillo, provincial agriculturist, ang mga benepisyaryo ay may sakahan ng Palay na nasa dalawang ektarya pababa. Matatagpuan ang kanilang mga sakahan sa mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Donya Remedios Trinidad, Bustos, Pandi, Angat, Norzagaray, Pulilan, Calumpit at sa lungsod ng Malolos.

 

Sa bisa ng Republic Act 11598 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Setyembre 2021, pinapahintulutan ang DA na mailaan ang sobrang nakolekta sa RCEF bilang tulong pinansiyal sa mga maliliit na magsasaka hanggang sa taong 2024.

Ang RCEF ay ang nakokolektang buwis mula sa mga taripa na ipinataw sa mga inaangkat na bigas ng mga pribadong mangangalakal sang-ayon sa Rice Tariffication Law.

 

Mahigit sa P10 bilyon kada taon mula noong 2019 ang nakokolekta rito na karaniwang inilalaan sa pagkakaloob ng mga makinarya, binhi, training at scholarships at mga pautang bilang karagdagang kapital sa mga magsasaka.

 

Ipinaliwanag naman ni DA Regional Technical Director Dr. Eduardo Lapuz, makakatulong ito upang kahit papaano ay maibsan ang hamon na nararanasan ng mga magsasaka bunsod ng pagbaba ng halaga ng Palay at patuloy na pandemya.

 

Katuwang ng DA sa pagpapatupad ng RCEF-RFFA ang Development Bank of the Philippines (DBP) at ang Universal Storefront Services Corporation (USSC). Ang mga 21, 553 na mga benepisyaryo ay pawang nakatala sa Farmers and Fisherfolks Registry System (FFRS).

 

Kaya’t hinikayat ni Carillo ang mga magsasaka at maging ang mga mangingisda na hindi pa rehistrado sa FFRS, na magpalista na upang matiyak na sila’y makakasama sa mga pagbibigay ng mga ayuda o pag-agapay mula sa pamahalaang nasyonal.

 

Ang mga benepisyaryo ay pinagkalooban ng Intervention Monitoring Card (IMC) na kanilang dadalin sa mga katuwang na financial institutions upang makuha ang tulong pinansiyal.