Paglilinis ng Ilog Pasig, Tullahan Mas Pinaigting

Paglilinis ng Ilog Pasig, Tullahan Mas Pinaigting
Ang mga basura sa parte ng Ilog Tullahan na malapit sa Marulas, Valenzuela at Potrero, Malabon noong 2007 at ang parehong lugar sa taong 2021 habang isinasagawa ng river rehabilitation program ng San Miguel. Maliban sa Tullahan ay nagsasagawa rin ng paglilinis ang San Miguel sa Pasig River upang makatulong na mabawasan ang pagbaha at sa rehabilitasyon ng Manila Bay. CONTRIBUTED PHOTO

Papaigtingin pa ng San Miguel Corporation (SMC) ang paglilinis ng Ilog Pasig at Tullahan upang makatulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay sa harap ng pagluluwag ng COVID-19 protocols sa mga susunod sa buwan.

Ayon kay SMC president Ramon S. Ang, mas maraming silt at solid waste ang iniaalis mula sa mga nasabing ilog upang mabawasan ang pagbaha sa mga lungsod na katabi ng Ilog Pasig at ang Navotas, Malabon, Valenzuela at Caloocan na kalapit ng Ilog Tullahan.

Ang mga nasabing ilog ay palabas ng Manila Bay itinuturong dalawa sa mga 10 ilog sa buong mundo na nagdadala ng plastik na basura sa karagatan, ayon sa pag-aaral na inilabas sa research website na Ourworldindata.org sa taon na ito.

Maliban sa basura, itinatapon rin sa mga mga ilog na ito ang untreated sewage mula sa mga kabahayan at katabing pabrika o industriya.

“Ipinagmamalaki namin ang dedikasyon ng mga dredging teams para malinis, mapalalim, at mapaluwag ang mga ilog bago ang tag-ulan. Dahil dito at nakatulong na mabawasan ang malubhang pagbaha sa mga lugar na kalapit ng Tullahan nitong nakaraang mga buwan,”wika ni Ang.

Umaabot na 90,000 metric tons na ang naialis sa Ilog Pasig at inaasahan aabot ito sa 100,000 metric tons pagsapit ng kalagitnaan ng Nobyembre. Sa ngayon ay nasa 1,400 to 1,700 metric tons kada araw ang extraction output sa Pasig.

“Kapag inabot na namin ang 2,000 metric tons kada araw simula ngayong buwan na ito ay aabot na sa 50,000 metric tons ang target namin bawat buwan bago matapos ang taon. Para maabot ito ay naghanda na kami ng dagdag na equipment at tao para mapabilis ang proceso,”dagdag ni Ang.

Ang rehabilitasyon ng Ilog Pasig na pinondohan ng P2 bilyon ng SMC sa pakikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources ay may target na makapagtanggal ng 600,000 metric tons na kada taon. Ito ay upang malinis ang tubig at mabawasan ang pagbaha.

Sa kasalukuyan ay nililinis ng SMC ang mga parte ng Pasig River na malapit sa Pandacan at Malacanang at ang sunod na prioridad ay ang C-5 malapit sa Marikina River junction, Manila Bay at sa lugar ng Makati-Estrella area.

Para sa naman paglilinis ng Tullahan na pinondohan ng San Miguel ng P1 bilyon, ay umaabot na sa 2,500 metric tons ang extraction output kada araw. Mula nang simulan ang paglilinis ng Tullahan ay umaabot na sa 522,498 metric tons ang basura at burak na natanggal sa nasabing ilog.

Para sa Ilog Tullahan, ang target at humigit-kumulang 1 milyon metric tons na silt at solid waste. Ang paglilinis ay kasalukuyang ginagawa ng San Miguel mula sa Manila Bay sa Navotas City hanggang sa Potrero sa Malabon at Valenzuela City.

Abala ang San Miguel sa paglilinis sa parte ng ilog sa Potrero sa Malabon at Marulas sa Valenzuela at mga lugar sa malapit sa Catmon at Maysilo sa Malabon.

Bilang bahagi ng flood mitigation program nito para sa New Manila International Airport (NMIA) project sa Bulakan, lilinisin rin ng San Miguel ang mga ilog na bahagi ng Marilao-Meycauayan-Obando River System (MMORS) sa Bulacan.