PORMAL nang binuklsan sa publiko ang kauna-unahang pampublikong pagamutan ang Pandi Infirmary Hospital sa isinagawang inagurasyon-blessing nito sa Pandi Residence 3, Barangay Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan nitong Biyernes, Abril 8, 2022.
Sa inisyatibo ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Pandi Mayor Enrico Roque ay naipatayo ang 2-story building ng nasabing pagamutan ay nagkakahalaga ng P6 milyon na nasa ilalim ng pamamahala ng Municipal Health Office (MHO) sa pamumuno ni Dr. Maricel Atal.
Ayon kay Roque, ang nasabing proyekto ay isang katuparan ng mga plano at pangarap na umukit at naitala sa kasaysayan sa bayan ng Pandi.
“Layunin po nito ang makapagbigay ng karagdagang emergency care hinding lamang sa mga residente ng Mapulang Lupa kundi sa buong bayan ng Pandi,” ayon sa alkalde.
Sabi ni Dr. Atal, ito ay mayroong 25 patient bed capacity kabilang na ang 6 emergency beds, 12 sa simple cases at ang iba ay sa maternity at out-patients.
Ayon kay Roque, naglaan ang pamahalaang lokal ng P6 milyon na taunang budget para dito na gagamitin sa general medicines bukod dito ang animal bite center na matatagpuan din sa Pandi Infirmary Hospital.
Nagpasalamat ang alkalde sa mga taong naging katuwang upang maisakatuparan ang proyekto kabilang na ang mga Chinese businessmen na nakahandang sumuporta at maghahandog ng ilang mga hospital equipment na kakailanganin sa naturang ospital.
Ayon kay Municipal Administrator Arman Concepcion, ang nasabing pagamutan ay may kabuuang laki na 828 square meters na sinimulan ang konstruksyon nitong Nobyembre 2021.