PAGKARAAN ng mahigit tatlong buwang pagkawala ay lumutang nang muli ang National Unity Party (NUP) Team Reymalyn-Obet mayoral bet na si Kap. Rey “Reymalyn” Castro kung saan pinabulaanan nito ang napabalitang umatras na siya sa laban bilang alkalde sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Sa isang press conference nitong Sabado ay humarap sa mga mamamahayag si Castro at isiniwalat nito ang mga kadahilanan kung bakit siya nawala sa mahigit tatlong buwan mula pa noong Disyembre 2021.
Kasama ni Castro ang buong Reymalyn-Obet team ay nagpaliwanag ito kung bakit hindi siya nagpakita sa mga taga-Sta Maria, Bulacan gayung kandidato ito bilang mayor sa nasabing bayan at mismo bago mag-Pasko pa siya nawala sa mata ng taumbayan.
Aniya, sinadya niyang hindi magpakita hindi dahil sa stratehiya niya ito kundi sa maraming mga kadahilanan at isa na rito ang pag-asikaso niya ng personal sa kaniyang mga negosyo na naapektuhan ng pandemiya.
Nabatid na marami sa kaniyang mga negosyo ang bumagsak at kailangang asikasuhin upang maisalba sa pagkakalugmok dahil dito niya kinukuha ang mga gastusin sa kaniyang kandidatura.
Inamin ni Castro na nahihiya siya sa taumbayan na humarap at tumanggi sa mga kahilingan ng mga ito partikular na sa mga humihingi ng tulong pinansiyal kung hindi niya mapagbibigyan.
Isa na rin sa naging dahilan ng kaniyang di pagpapakita sa tao ay dahil sa nagkasakit siya at ang kaniyang pamilya nitong nakaraang Enero makaraang magka-Covid-19.
Ayon kay Castro, personal niyang binisita ang kaniyang mga negosyo sa ibat-ibang lalawigan upang pagtuunan ng pansin para maisalbang muli.
Dahil dito, napabalitang umatras na umano si Castro sa laban nito bilang mayor kung saan kumalat din ang isyu na siya ay nabayaran na at hindi na tutuloy sa pagtakbo bilang punong bayan.
“Tuloy po ang aking laban walang atrasan dahil ito ay hindi ko lamang laban kundi laban ng taumbayan,” ani Castro.
Si Castro ay muling nagpakita sa mga residente ng bayan ng Sta. Maria nang magsimula na ang kampanyahan kung saan sa isinagawang motorcade ng Team Reymalyn-Obet kamakailan ay mainit pa rin ang pagtanggap sa kanila.
“Nais natin mabago ang sistema ng pulitika sa bayan ng Sta Maria, ako po ay hindi traditional politician kaya iniiwasan natin ang pamamaraan ng paggamit ng pera para makakuha ng boto. Tayo po ay sinusuportahan ng taumbayan dahil naniniwala sila sa pagbabago at tapat na paglilingkod na ihahatid namin sakaling maluklok sa munisipyo,” pahayag nito.
Magugunita na maraming mga pribadong sektor kabilang na ang lahat ng sekta mula sa religious sector ang nagpahayag ng suporta at pag-endorso sa kandidatura ni Castro.
Kabilang sa Team Reymalyn-Obet ay sina Obet Perez para bise alkalde, mga konsehales Froilan Caguiat, Christian Catahumber, Sonia Cristobal, Hector Hilario, Jayson Latube, Rica Mae Naquila, VJ Salazar at Ching Song.
Pagkaraan ng press briefing ay agad na tumungo ang Team Reymalyn-Obet sa Barangay Sta Clara kung saan isinagawa ang kanilang proclamation rally kasama sina reelectionist Governor Daniel Fernando at ang ka-tandem nito na si vice gubernatorial candidate Alex Castro na dinaluhan ng mahigit sa 5,000 nitong tagasuporta.