Nangunguna sa lalawigan ng Bulacan at ikatlo naman sa buong Central Luzon ang bayan ng Pandi sa pinakamataas na bilang o porsiyento ng nabakunahan sa kanilang nasasakupan kontra Covid-19.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, umabot na sa 85% ang kanilang nabakunahan lagpas pa sa population target ng gobyerno habang nasa 60% naman ang mga kabataang nabakunahan edad 12-17.
Pero paglilinaw ng alkalde, ang nabanggit na 85% ay mga nabakunahan pa lang ng 1st dose pero sa kabuuan ay umabot na sa 42% ang fully vaccinated.
Nabatid na ang datos ay nanggaling sa Department of Health – Region 3 kung saan nanguna ang bayan ng Pandi sa buong lalawigan ng Bulacan dahil sa matagumpay na vaccination roll out ng nasabing pamahalaang lokal.
Dahil dito, sinabi ni Roque na abot kamay na ng bayan ng Pandi ang “herd immunity” kung saan tiniyak nito na kung magpapatuloy ang kanilang programa na mabakunahan ang bawat Pandienyo ay magiging masaya ang paparating na araw ng Pasko.
Ayon sa alkalde, umabot sa 2,200 kada araw ang kanilang nababakunahan na lagpas pa sa 1,950 lang na daily target ng DOH.
Ang mabilis na bakuna rollout sa nasabing bayan ay dahil na rin sa tulong ng mga pamahalaang lungsod sa Metro Manila kaya naman pinasalamatan ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Roque ang mga city mayors sa Kamaynilaan.
Lubos din ang pasasalamat ni Roque sa mga frontliners mula sa Municipal Health Office sa pangunguna ni Dr. Maricel Atal, Barangay Captains, Sangguniang Barangay, Barangay Health Workers, private sectors at mga volunteers.
“Maraming salamat sa inyong pagsasakripisyo para sa bayan, at ako po ay patuloy na nananawagan sa ating mga kababayan na magpabakuna po tayo para maging masaya na ang ating Pasko,” wika ni Roque.