MATAPOS ang dalawang taong pagkawala dahil sa pandemya, nagbabalik ang kinagiliwan at paboritong Malolos Toys and Hobbies Convention (MALCON) sa April 8-9, 2022 sa SM Center Pulilan, Bulacan.
Ang MALCON ay ang isa sa pinakamalaking toys and hobbies event sa bansa na naglalayong pagbuklurin ang iba’t ibang kolektor ng laruan, cosplayers, mahihilig sa pelikula at games at iba pang hobbyists.
Sa unti-unting pagbabalik sa normal ng lahat, ang event ay tinaguriang “MALCON RETURNS.” Nasa 5,000 mga laruan mula sa iba’t ibang palabas na anime, pelikula, Sentai, games at maging art pieces ang ipapakita sa MALCON exhibit.
Ang kilalang steampunk artist at panday na si Ram Mallari ay nakatakdang mag-exhibit ng kaniyang mga obra kabilang na ang Batman-inspired lifesize statue, sakto sa kalalabas pa lamang na Warner Bros. film na “The Batman.”
Ipapakita rin ni Mallari ang kaniyang Superheroes art masterpieces na inspirado sa mga klasikong materyal gaya ng “Mazinger Z,” “Iron Man,” “Mekanda Robot,” at iba pa.
Cosplay Competition
Samantala, nag-organisa rin ang Anime Cosplay Empire (A.C.E.) ng isang cosplay competition.
Ang patimpalak ay para sa lahat ng edad. Maaaring kumuha ng inspirasyon ang mga kalahok sa iba’t ibang genre tulad ng anime, movies, comics, at games. Libre ang pagpaparehistro sa cosplay contest sa mismong venue sa April 9, 2022 mula 10:00am hanggang 12:00 ng tanghali.
Para maipamalas ang husay at talento ng mga taga-Bulacan, inimbitahan muli ng MALCON si Christian Rodil, ang lumikha ng MALCON mascot at kasalukuyang costume designer ng ABS-CBN para sa ipalalabas na “Mars Ravelo’s Darna: The TV Series.”
Ibabahagi rin ng MALCON ang husay ng Malolenyo sa workshop ni scratch toy builder Kris Morato.
Anime music experience
Para maipadama muli ang full event experience ng MALCON, muling tutugtog ng anime songs ang samu’t saring mga banda kabilang ang: “Shumi,” “10 AM Departure,” “Similar Sky, A Way To Stellar,” “Sayco,” “Mercurial Ecylpse,” “Quintuplets,” at iba pa.
Magdi-display rin ng mga rare at unique pieces ang Gundam Bulacan Group (GBG) . Maraming kolektor din ang ilalahok ang kanilang mga laruan hango sa: “Demon Slayer,” Marvel at DC franchises, “Power Rangers,” “Kamen Rider,” “Transformers,” “Attack On Titan,” at marami pang iba.
‘New Normal’ event
Ang “MALCON RETURNS” ay pangungunahan ni host-vlogger Marlo “Anime Kabayan” Magtibay ng FPS Media PH. Libre ang event at para sa lahat ng edad. Susundin pa rin ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, pagkakaroon ng proper hygiene at physical distancing sa mismong event grounds.
Taong 2018 nagsimula ang tradisyon ng MALCON. Mula noon, nakapagtala ang event ng record-breaking attendance mula sa 6,000 hanggang sa tinatayang 15,000 katao.
Para sa iba pang balita, i-like ang aming Facebook sa fb.com/MalConPH. Sundan kami sa Twitter sa @malcon_ph at Instagram at @malconph. Ang mga opisyal na hashtags ng event ay ang mga sumusunod: #MALCONRETURNS , #MALCON2022 at #MALCONCOSPLAY.