Maagang naramdaman ng mga kawani ng Municipality of Pandi, Bulacan ang Christmas spirit kaugnay sa nalalapit na Kapaskuhan makaraang matanggap na ng mga ito ang kanilang year-end bonus at cash gift nitong Lunes, Nobyembre 15.
Ito ay inanunsiyo ni Mayor Enrico Roque kasabay ng isinagawang Christmas Tree lighting activity sa harap ng munisipyo kung saan isang simpleng programa ang nasaksihan ng mga empleyado.
Ang mga regular employees ay natanggap ang kanilang year-end bonus na katumbas ng isang buwan nilang basic salary at bukod na cash gift na Php5,000 hanggang P10,000.
Ang mga empleyadong ito ay kinabibilangan ng 12 elected officials, 18- temporary, 3 coterminous, 90 permanent, 145 na JO at 53 casual.
Ang pagkakaloob ng year-end bonus ay alinsunod sa Republic Act (RA) 6686, as amended by RA 8441, at Department of Budget Management Circular 2016-4.
“Ito pong year-end bonus at cash gift ay agad natin ipinamahagi dahil alam natin na ngayong panahon ng pandemic at paparating ang Pasko ay higit na importante na maipadama natin sa kanila na tuloy-tuloy pa rin ang diwa ng pagmamahalan at pagkakaisa mula sa matagal na panahon ng pakikibaka sa global health crisis, ayon kay Roque.
Sinabi ni Roque na kaalinsabay ng pagpapailaw sa Christmas tree at gusali ng munisipyo ay ang pagdiriwang ng lokal na pamahalaan sa abot-kamay na “herd immunity” sa nasabing bayan kaugnay ng mga nabakunahan kontra sa Covid-19.
Nabatid na base sa datos ng Department of Health Regional Office 3, ang bayan ng Pandi ang nangunguna buhat sa mga munisipalidad at lungsod sa Bulacan na siyang may mas mataas na porsiyento sa usaping vaccination rollout program sa probinsiya at pangatlo naman sa buong Central Luzon.
Ayon sa record ng DOH, nakapagtala ang bayan ng pandi ng 87% ng nabakunahang target protected population laban sa Covid-19 na mas mataas pa sa required na 70%, habang umabot na sa 65% ang nabakunahan na pediatric population o mga kabataang edad 12-17.