LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinagdiriwang ng Bulacan ang Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan sa pamamagitan ng lalong pagsusulong na maisalin sa mga makabagong Filipina, ang mga pamana ng mga Kadalagahan ng Malolos.
Sa isang eksibisyon na binuksan sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center, ipinahayag ni Bong Enriquez, pangulo ng Women of Malolos Foundation Inc. o WOMFI, nagsisitanda na ang mga kaanak nitong 21 Kadalagahan ng Malolos.
Kaya’t kinakailangan aniyang lalong maituro ang mga pamana nila upang magamit at mapakinabangan ng kasalukuyang henerasyon ng mga kababaihan. Pinamagatang ‘Katapangan, Kabutihan, Kagandahan: Ang mga Kababaihan ng Malolos’.
Binigyang diin ni Enriquez na hindi matatawaran ang ipinamalas na katapangan nitong mga 21 kadalagahan nang naghain sila ng petisyon sa harap mismo ni Spanish General Valeriano Wayler.
Sa tala ng WOMFI at ng National Historical Commission of the Philippines nang mabalitaan ng mga kadalagahan na bibisita sa kumbento ng ngayo’y Katedral ng Malolos ang gobernador heneral, binalak nilang sumadya at makipagkita nang personal kahit hindi sila imbitado ng mga prayle.
Nang bumisita si Gobernador Heneral Wayler sa nasabing simbahan noong Disyembre 12, 1888, pinilit ng 21 Kadalagahan ng Malolos na makapasok sa kumbento sa kabila ng pagtutol at pisikal na pagharang sa kanila ng mga prayler.
Sa kabila nito, nagpaunlak ang gobernador heneral na sila’y makadaupang palad at sa harap ng mga prayle, tuwiran nilang iniaabot ang petisyon para sila’y makapagtayo ng isang paaralan upang makapag-aral.
Paliwanag pa ni Enriquez, ang ginawang iyon ng mga kadalagahan ay maaari silang makasuhan at maipakulong noong panahon na iyon, dahil nagbigay sila ng petisyon sa panahon na hindi isang karapatan ang pagpapahayag ng saloobin.
Ginawa nila sa panahon na ang mga edad nila ay nasa pagitan ng 12 hanggang 28 taong gulang.
Ayon naman kay Provincial History, Art & Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, itinampok din ang kabutihan ng mga kadalagahan dahil sa kanilang pagpapalaganap ng mga natutunan mula nang makatamo ng edukasyon.
Partikular sa kanilang natutunan ang aspeto ng Kulinarya na nagbunsod sa pagkakalikha ng mga potaheng Bulakenyo gaya ng ensaymada, inipit, pastillas, tinapang bangus, longganisa, liempo, chicharon, Paqcio ala Bulaquena o paksiw, Malolenya Paella, Hamon Bulaquena, nilagang pasko, lechong manok, tinola, arroz ala cubana, pescado, lenggua, relyeno, ensalada at iba pa na ginagamitan ng mga tropikal na sangkap.
Sa kasalukuyan, tinatawag itong Kalutong Bulakenyo na itinataguyod ng mga tinaguriang Culinary Historians and Advocates sa Bulacan upang maisalin sa kasalukuyang henerasyon ng mga kababaihan.