PAGHIHIRAP MAY “SOLUSYON” SA PANAHON NG ELEKSIYON

Kamandag ni: Dannie Gravador
HALOS lahat ng kandidato, sa kanilang pangangampanya, ang bukambibig ay dumarami ang naghihirap na mga Pilipino.
 
Ito ang katotohanang hindi nila kayang itago, na isang katotohanan na lagi na lang may “solusyon” sa panahon ng kampanyahan sa eleksyon. 
 
Katotohanan na ang “solusyon” ay kung si ganito o si ganoon ang mananalo at makaupo sa puwesto ay pauunlarin ang buhay ng mga Pinoy. 
 
Laging ganito ang naririnig at nababasa ng taumbayan, lalo na ng maliliit na manggagawa at maralita tuwing sasapit ang halalan.

“Malinis na pamahalaan”, “matino at tapat na taong nasa puwesto”, walang kurakot na gobyerno”, “libreng edukasyon”, “trabaho”, “tamang sahod”, “lupa”, “pabahay”….. ganito ang laging sinasabi ng mga kandidatong nangangailangan ng boto para masungkit nila ang kapangyarihan sa bulok na pamahalaan.

Bawat isa sa mga kandidato ay nagsasabing “ako at ang aking partido ang may tunay na plataporma at programa para maiahon ang sambayanan mula sa kahirapan”. 
 
Ilang dekada na ba nating narinig ang mga katagang ito? Ilang dekada na ba nating narinig na naghirap ang bansa dahil sa “maling pamamahala”, dahil “hindi mga tamang tao ang naluklok sa gobyerno”. Hindi ba’t ito lagi ang sinasabi ng nasa oposisyon na nais palitan ang administrasyon?
 
Ang administrasyon naman ay laging nagsasabing wala sa kanila ang problema kundi “hindi sapat na panahon ng panunungkulan” ang siyang dahilan kung bakit ang mga pangako ay hindi natupad. 
 
Ang nasa administrasyon ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang sarili sa mga kapalpakan ng kanilang “plataporma” at “programa”. Ganito lagi ang eksenang nakikita natin sa kada tatlo at anim na taong palabas ng eleksyon.

Matagal na nating alam na lahat ng mga kandidato ay walang kaibahan sa isa’t-isa. Matagal na nating alam na ang nais lamang nila ay maupo sa puwesto para lalo pang magpayaman gamit ang kapangyarihan.

Kaya nga ang iba sa ating mga kababayan ay ginawa na lamang “pantawid-gutom” ang eleksyon dahil alam nila na walang pagbabagong mangyari sa kanilang hirap na kalagayan matapos ang eleksyon.

Ang puno’t dulo ng kahirapan ay ang bulok na sistema ng ekonomiya ng bansa na nagbunga ng bulok na gobyerno. Walang sinumang “santo” at “santa” ang may kapangyarihang gawing maayos ang pamahalaan na nakatungtong at nabubuhay mula sa mabangong singaw ng bulok na panlipunang kaayusan.

Higit sa lahat, wala sa mga “super-hero” na politiko at kapitalistang partido ang kapangyarihan upang wakasan ang kabulukan ng sistema at estado dahil ito mismo ang ipinagtatanggol nila.