PUMILI NG WASTO AT TAMANG KANDIDATO

Kamandag ni: Dannie Gravador
Hindi lingid sa ating kaalaman na marami sa ating mga Pilipino ay hindi wasto ang pagpili ng kandidato tuwing eleksiyon.
 
Sa ating Saligang batas ay nakasaad ang kalayaan nating pumili ng iboboto kaya naman nasa atin ang kapangyarihang pumili ng kandidato.
 
Mayroon sa atin ang bumoboto dahil sikat ang kandidato, mayroon namang nakuha sa “vote buying” at mayroong idinikta ng isang samahan.
 
Ang tanong nga, ganito na ba ang tamang paraan ng pagpili ng kandidato? Gaano ba kahalaga ang masusing pagpili ng kandidato?
 
Kaya nga dapat ay bumoto ng wasto dahil maselan ang posisyong ibibigay natin sa isang kandidato. 
 
Marahil ang una nating nakikita o naririnig na isinisigaw ng mga kandidato ay ang pag-unlad ng ating bayan kapag sila ang nahalal.
 
Dapat maging edukado tayo sa mga ganitong kaganapan dahil ganyan ang palaging bukambibig ng mga kandidato.
 
Sa ating bayan ay hindi maabot ang ganitong antas dahil hindi naging wasto ang ating pagboto kaya batbat ng katiwalian ang ating gobyerno dahil sa hinding tamang kandidato na iniluklok natin sa puwesto.
 
Kung titingnan natin ay may mga pulitiko na may bahid na ng korapsiyon ang pangalan subalit nananatili pa rin sa puwesto.
 
Sa aking pagsasaliksik, narito ang tamang gabay sa pagpili ng kandidato.
 
Dapat ay alamin muna natin ang mga isyung mahalaga tulad ng RH bill, diborsiyo, human rights, government transparency, katiwalian, kahirapan, unemployment, gun violence, mataas na crime rate, rural area development, pagkaubos ng kagubatan, polusyon sa kapaligiran at iba pa.
 
Dapat magdesisyon kung ano ang usaping dapat bigyan ng pansin at gumawa ng listahan ng mga kandidatong napupusuan batay sa kanilang plataporma at paninindigan na para saiyo ay mahalaga.
 
Dapat ay kilalanin ang mga iboboto sa pamamagitan ng pagdalo sa mga meeting de avance, panoorin sa kanilang mga debate at public discussion, tingnan ang kanilang handouts, panoorin ang ang mga non-partisan TV shows, radio programs, online sites na nagpapakilala sa kandidato, bisitahin ang kanilang website o fan page at makibalita sa background ng kandidato.
 
Dapat ding alamin at salain ang leadership background o karanasan sa pamumuno at/o performance, ikunsidera ang sektor ng lipunan, pamilya o industriya na pinagmulan ng kandidato.
 
Sayang ang lahat ng paghahandang gagawin kung boboto ng maling kandidato sa Mayo 9, 2022.
 
Kumpara sa ibang bansa, mapalad pa rin tayong mga Pilipino sa pagkakaroon ng karapatang pumili ng mga taong magpapalakad ng ating pamahalaan kaya huwag ipagwalang-bahala ang kalayaang ito.
 
Sa wastong pagboto natin, nakatitiyak tayong mayroong pag-unlad ang ating bayan.