LUNGSOD NG MALOLOS — Tatanggap ang Social Security System o SSS ng bayad sa mga pinautang nito sa short-term loan, housing loan at hulog mula sa Employers’ Contribution nang walang interes hanggang Mayo 2022.
Ipinaliwanag ni SSS Luzon Central 2 Acting Senior Communication Analyst Julie Ann Arellano na binuo nila ang Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP bilang isang “mega-condonation” upang luwagan at mas padaliin ang pagbabayad na lamang ng principal o halaga ng mismong nautang.
Sa bisa ng SSS Circular 2022-006, ang PRRP-Short Term Member Loan Penalty Condonation Program o STMLPCP ay pinalawig hanggang Mayo 14, 2022.
Gaano man katagal ang pagkakautang, saklaw ng STMLPCP ang mga miyembrong napautang ng salary loan, calamity loan, salary loan early renewal program at emergency loan na may delinquency hanggang Nobyembre 15, 2021.
Kasama rin ang mga restructured loans under Loan Restructuring Program na ipinatupad mula 2016 hanggang 2019. Bukod sa pagbabayad nang buo, pwede ring bayaran ng installment.
Base sa isinasaad sa circular, dapat bayaran nang buo ang unang 50 porsyento na installment habang uubrang hulug-hulugan ang natitirang 50 porsyento na kapupunan.
Para naman sa Employers’ Contribution, pinalawig ang pagbabayad hanggang Mayo 19, 2022.
Ayon kay SSS Baliwag Branch Manager Marites Dalope, saklaw nito ang mga hulog ng mga pribadong kumpanya para sa kani-kanilang mga empleyado mula Marso 2020 kung kailan tumama ang pandemya.
Target ng SSS Baliwag na makalikom ng 19 milyong piso na bayad sa principal na utang ng may 1,170 na mga kumpanyang may delinquencies.
Hindi na sisingilin ang nasa 15 milyong piso na penalty.
Sang-ayon sa SSS Circular 2021-015, pwedeng maging hulugan ang pagbabayad ng mga hindi naihulog na kontribusyon base sa mapagkakasunduan ng SSS at ng mga employers.
Dapat mabayaran ang unang 5% ng principal delinquency hanggang Mayo 19, 2022.
Ang mga kapupunan ay pwedeng bayaran sa susunod na 24 na buwan depende kung magkano ang maihuhulog.
Halimbawa, kung nasa isang milyong piso ang maihuhulog, pwedeng bayaran hanggang apat na buwan; kung dalawang milyong piso hanggang walong buwan; 12 buwan kung hanggang limang milyong piso; 16 na buwan kung hanggang 10 milyong piso; 20 buwan kung hanggang 20 milyong piso at 24 buwan para sa magbabayad ng higit sa 20 milyong piso.
Kaugnay nito, ang PRRP para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program ay pinalawig din hanggang sa Mayo 21, 2022 base sa inilabas na SSS Circular 2021-013.
Saklaw nito ang mga napahiram sa ilalim ng Direct Individual Housing Loan Program, Duplex Housing Loan Accounts at ang Direct Housing Loan Facility for Overseas Filipino Workers and Trade Union Members.
Nagpaalala si Arellano na lahat ng mga nagnanais na makatamo ng tatlong “mega condonation” sa ilalim ng PRRP, ay dapat magrehistro muna ng aplikasyon sa My.SSS na nasa www.sss.gov.ph.