Bulacan PHACTO, kinilala ang mga tagapagtaguyod ng turismo at pamanang kultura sa 2026 BET Awards

LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng mga indibidwal, organisasyon, negosyo, at institusyon sa pagsusulong ng lokal na turismo at pagpapanatili ng pamanang kultura ng lalawigan, idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, ang Gawad Singkaban: Bulacan Excellence in Tourism (BET) Awards 2026 noong ika-12 ng Nobyembre sa Nicanor Abelardo Auditorium, Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lungsod na ito.

Kabilang sa mga kinilala sina Earvin John E. Fabro (EJ Knows), Jaime S. Corpuz, Carmela R. Estrope, at Focus Bulacan sa ilalim ng Tourism Promotion Champion Award; Vince Sitiar, Marbin J. Garcia, Jo Rubio, Robert Zamora, at Noli P. Manalang sa ilalim ng Creative Excellence in Tourism Award; at Joy Marie B. Joaquin, Remigio E. Cruz, Ernesto B. Flores, Zenaida DV. De Lara, at Carmelita F. Baluyut sa ilalim ng Excellence in Traditional Arts and Crafts in Tourism Award.

Samantala, kinilala sa ilalim ng Corporate Partner Award ang Eurobake, McDonald’s Philippines, JN Styling by Jaziz Nicolai, at Josef Reymart J. Aniag; habang ang Outstanding Government Office/Agency/Association in Bulacan Tourism Support Award naman ay iginawad sa Provincial Cooperative and Enterprise Development Office, Department of Information and Communications Technology, Department of Trade and Industry, at Bulacan Police Provincial Office. Ang mga Pamahalaang Bayan ng Bustos, Paombong, at Calumpit, pati na ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag, ay tumanggap din ng Outstanding Local Government Support for Bulacan Tourism Award.

Kinilala rin ang Bulacan Agricultural State College at Bulacan Gravity Crew sa ilalim ng Institutional Partner Award, habang para sa kanilang patuloy na pagsusumikap sa pagtataguyod ng kasaysayan at kultural na pamana ng lalawigan, siyam na organisasyon ang tumanggap ng Outstanding Tourism Association Award kabilang ang: Guides Alliance of Bulacan at Your Service (GABAY), Bulacan Restaurant Owners Association (BROA), BTECH Pambansang Samahan ng Kasaysayan ng KABLIKSAKABA, BTECH Makangkat SawagsikPA. Inc. Samahang Pangkalinangan ng Bulakan, Samahan ng mga Museo sa Bulacan, Pamana de Mayumo, Bulacan Salinlahi, at Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (SAMPAKA).

Isa sa mga nakatanggap ng Excellence in Traditional Arts and Crafts in Tourism Award ay si Ernesto B. Flores ng Flores Furniture, na patuloy na nagpapanatili ng Baliwag Imbute, isang tradisyonal na pamamaraan ng paggawa ng mga Pilipino na ginagamitan ng mabusising paglalagay ng mga inukit na buto ng kalabaw sa mga pinong muwebles na gawa sa kahoy, isang gawaing-kamay ng pamilya na naipasa sa maraming henerasyon.

“Katulong namin ang Baliwag Tourism sa pag-conduct ng mga demo/training sa BJMP, sa mga rehabilitation at mga eskwelahan. Mayroon din kaming project ngayon na gagawin namin itong curriculum sa senior high sa City of Baliwag sa tulong ng LGU Baliwag,” ani Flores, na binibigyang-diin ang kanilang patuloy na pagsisikap na mapanatili ang tradisyonal na kasanayan sa pamamagitan ng pagsasanay sa kasanayan, mga inisyatiba sa edukasyon, at pagsasama ng Imbute sa curriculum ng senior high school.

Tumanggap ang lahat ng mga pinarangalan ng mga sertipiko ng pagkilala kalakip ang maliit na replica ng plake ng makasaysayang Simbahan ng Barasoain.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Limuel Jan J. Lobederio, Nanunuparang Puno ng PHACTO, na ang dedikasyon ng mga Bulakenyo sa pagsusulong ng turismo at pagpapanatili ng kanilang pamanang kultura ay nagmumula sa kanilang malalim na pagkakakilanlan, iisang pasyon, at pagmamahal sa kanilang lalawigan.

“Marahil, tunay ngang nananalaytay sa ating mga dugo ang pagka-Bulakenyo. Likas na matulungin, may malasakit at may malalim na pagmamahal sa ating bayan—sa sining, kultura at kasaysayan. Passion ang nagbubuklod sa atin, pero puso ang nagpapatatag sa ating samahan,” ani Lobederio.

Ang Gawad Singkaban: Bulacan Excellence in Tourism (BET) Awards ay isang taunang pagkilala at pagpapahayag ng pasasalamat mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng PHACTO para sa mga indibidwal, organisasyon, tanggapan, institusyon, at mga katuwang mula sa pribadong sektor na gumanap ng mahalagang papel sa pagsuporta sa mga programa at inisyatiba ng lalawigan sa buong taon.