Pamahalaang Panlalawigan, nakamit ang NAPOLCOM Regional Award para sa Best LGU in Crime Prevention

LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pagkilala sa pagsisikap na palakasin ang pag-iwas sa krimen at itaguyod ang kaligtasan ng publiko sa lalawigan, ginawaran ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang Regional Awardee para sa Best Local Government Unit in Crime Prevention sa isinagawang pagdiriwang ng ika-60 Anibersaryo ng NAPOLCOM noong Setyembre 23, 2026, sa Casa Cabalen, Jose Abad Santos Avenue (JASA), Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Kinilala ng parangal ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at ang mga pagsisikap nito sa pagpapatupad ng mga programang nagpapalakas sa pag-iwas sa krimen at nagpapahusay sa mga serbisyo sa kaligtasan ng publiko para sa mga Bulakenyo, na tinanggap ni Puno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office Abgd. Jayric L. Amil sa ngalan ni Gobernador Daniel R. Fernando.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Fernando na patuloy na palalakasin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pakikipagtulungan nito sa BPPO at iba pang mga stakeholder sa pagpapatupad ng mga tumutugong programa para sa pag-iwas sa krimen at sa pagtiyak na mananatiling prayoridad ang kaligtasan ng publiko sa buong lalawigan.

“Ang pagkilalang ito ay patunay ng ating patuloy na pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa Bulacan. Patuloy nating susuportahan ang ating kapulisan at mga programang naglalayong gawing mas ligtas ang bawat komunidad para sa ating mga Bulakenyo,” ani Fernando.

Kinilala rin sa nasabing okasyon ang BPPO, sa pamumuno ni OIC-Provincial Director PCOL Jay B. Baybayan, matapos hirangin bilang Regional Awardee para sa Best Crime Prevention Initiatives dahil sa kanilang mga natatanging inobasyon at huwarang programa sa pag-iwas sa krimen, partikular na ang Project KABALIKAT, Project LIGTAS BULAKENYO, at ang Bulacan PPO Unified Command Center na nagpapakita ng mga prinsipyo ng Community and Service-Oriented Policing (CSOP).

Samantala, kinilala rin si PMSG Francis R. Damian dahil sa pagpapakita katapangan, at walang kapantay na dedikasyon sa tungkulin sa isang insidente ng pagnanakaw noong Agosto 15, 2025, sa Baliwag Public Market sa Barangay Poblacion, Lungsod ng Baliwag, Bulacan.