DOLE, nagbuhos ng P14.3-M pangkabuhayan sa pinalawig na ‘Handog ng Pangulo’ sa Bulacan

Pinalawig sa Bulacan ang Handog ng Pangulo caravan ngayong nagbuhos ang Deparment of Labor and Employment ng P14.3 milyong halaga ng iba’t ibang tulong pangkabuhayan bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Ika-69 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Pinalawig sa Bulacan ang Handog ng Pangulo caravan ngayong nagbuhos ang Deparment of Labor and Employment (DOLE) ng P14.3 milyong halaga ng iba’t ibang tulong pangkabuhayan. 

Bahagi pa rin ito ng pagdiriwang ng Ika-69 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa ngalan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, pinangunahan ni DOLE Regional Director Sarah Buena Mirasol ang pamamahagi ng nasabing mga pangkabuhayan packages.

Pinakamalaki rito ang P7.3 milyon na inilaan para sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na nagkaloob ng mga kagamitan, kasangkapan at mga paninda sa mga benepisyaryo mula sa Nego-Kart, Sari-Sari Store and Bigasan Package, Kabuhayan sa Kolong-Kolong, Livelihood Enhancement Package, Marilao Pink Kakanin at Livelihood Enhancement and Business Expansion Project.

Ipinaliwanag ni Provincial Public Employment Service Office (PPESO) Head Egbert Robles na para maging kwalipikado sa mga susunod na batch ng DILP, inabisuhan niya ang mga Bulakenyo na sumadya sa PPESO na nakabase sa Blas Ople Livelihood Center sa bakuran ng Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos. 

Ito’y upang itakda ang pagsasanay, depende sa mapipiling uri ng kabuhayan, na libreng ipagkakaloob ng PPESO.

Matapos ang maikling panahon ng pagsasanay, pagkakalooban naman sila ng mga kasangkapan, kagamitan at paninda na magmumula sa DOLE.

Bukod sa DILP, itinuturing din ng DOLE na isa ring programang pangkabuhayan ang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) workers na unang kinonsepto noong 2009 na kasama sa noo’y stimulus package bilang isang emergency job strategy nang tumama ang 2008 Global Financial Crisis. 

Binigyang diin ni Mirasol na hindi dapat ituring ng mga nagsipagtrabaho sa TUPAD na sweldo lang ang natanggap sa nasabing short-term one-time job. 

Kinakailangan aniyang tignan ito bilang panimulang puhunan upang makapagbukas ng sariling negosyo o mapagkakakitaan.

Aabot sa 1,066 ang mga pinakabagong benepisyaryo ng TUPAD sa Bulacan na nagsilbi sa mga barangay bilang tagapaglinis ng kalsada, nagtabas ng mga damo, nag-aalaga ng mga halaman, at iba pang gawain na magpapaganda sa pisikal na kaayusan ng paligid. 

May halagang P6.3 milyon ang natamo nilang sahod ngayong serye ng ‘Handog ng Pangulo’ caravan.

Pinasahod na rin ng DOLE na umabot sa halagang P628,913 ang may 123 na mga kabataang Bulakenyo na nagsilbi sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Special Program for Employment of Students.

Samantala, iniulat din ni Robles na sa naunang Trabaho Agad Job Fair na bahagi pa rin ng ‘Handog ng Pangulo’ caravan, nagbukas ito ng dalawang libong mga bagong trabaho kung saan nasa 100 mga Bulakenyo ang mga hired on-the spot. 

Kabilang sa mga inialok na mga trabaho ay mula sa sector ng manufacturing, retail, business processing outsourcing, construction, at sa transportation and logistics.