
LUNGSOD NG MALOLOS — Bumisita si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio Dizon sa lalawigan ng Bulacan at nakipagpulong kay Governor Daniel R. Fernando kasama ang mga representante ng bawat Distrito at mga municipal at city mayors, upang talakayin ang mga pangunahing solusyon sa malawakang pagbaha sa probinsiya na ginanap sa Francisco Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Biyernes.
Sa isinagawang video presentation tungkol sa usaping pagbaha sa probinsiya ay inilahad ni Manuel M. Lukban, Jr., Hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga kondisyon sa mga bayan na pinakamatinding naapektuhan, kung saan ang patuloy na pagbaha ay umaabot sa lalim na hanggang limang talampakan, pati na rin sa mga lugar na kamakailan lamang ay nakaranas ng pagbaha. Tinalakay din niya ang mga posibleng sanhi ng pagbaha sa mga komunidad na ito.
Binigyang-diin ni Fernando ang agarang pangangailangang maibsan ang paghihirap ng mga Bulakenyo na binaha kaya isinagawa ang pagpupulong sa DPWH officials sa pangunguna mismo ni Dizon at ang tatlong district engineers na sina Engr. Keneth Fernando ng 1st District, Engr. John Paolo Tan ng 2nd District at Engr. Edgardo Pingol ng 3rd District.

Binigyang-diin ni Fernando na ang paulit-ulit na pagbaha ay nakaapekto hindi lamang sa mga tahanan at kabuhayan, na nag-iiwan sa mga pamilya sa mga mahihinang komunidad na balisa kahit na sa inaasahang pag-ulan.
Binalangkas ni Dizon ang mga agarang interbensyon, kabilang ang dredging at clearing ng mga waterways, paglalagay ng mga modular barrier na maaaring patungan ng hanggang tatlong metro upang isara ang mga puwang o gap sa mga pader ng ilog, at paglalagay ng mga mobile pump sa mga nasirang floodgate at pumping station.
Sinabi ni Dizon na hinati sa tatlo ang isasagawang flood mangement plan para sa lalawigan ng Bulacan, ito ay ang immediate, medium term at long term interventions na siyang tutugon sa paghihirap ng mga residente.
Dagdag ng Kalihim na kailangan ng mga Bulakenyo ng mabilis at naaangkop na aksyon matapos ang maraming taon ng pagbabaha.
“Ang kailangan na po ng mga kababayan natin, lalo na dito sa Bulacan, talagang grabe na po ang dinaranas ng mga kababayan natin for years, lalo na dito sa problema sa baha, ay kailangan na natin ng immidiate action. Umaksyon na nang mabilis at umaksyon na nang tama. Nagsasawa na po ang mga kababayan natin sa salita, kailangan po talaga ngayon ay umaksyon na,” wika ni Dizon.
Binigyang-diin ng kalihim na dapat magkatuwang na tukuyin ng mga LGU at ng DPWH ang mga prayoridad na lugar upang mapakinabangan nang husto ang limitadong mga mapagkukunan at kagamitan.
Para sa mga medium-term measures, tinalakay ni Dizon ang bamboo cribbing, isang nature-based na diskarte na maaaring ilapat sa mga bulnerableng lugar tulad ng Hagonoy at mga karatig na komunidad sa Macabebe, Masantol, at Sasmuan sa Pampanga.
Naihalimbawa na rito ang nature-based solution coastal protection and flood mitigation project na una nang ipinatutupad ng Lungsod ng Malolos sa Barangay Pamarawan sa inisyatibo ni Mayor Christian Natividad katuwang ang mga experto mula sa Netherlands na ayon sa alkalde ay siyang magiging protection sa coastal flooding at local livelihood.
Ayon kay Natividad, ito ay gagamitan ng mga natural materials gaya ng kawayan at oyster breakwaters, coconut husks at oyster shells na siyang pipigil sa malalakas na alon at mga sediments.
Sa pagpapatuloy ng talakayan ay naglahad din si Dizon ng mga plano para sa mga dam, detention basin, at water interceptor upang makatulong sa pamamahala ng labis na tubig.
Para sa Hagonoy, sinabi niya na ang iminungkahing pamamaraan ay pagsasamahin ang kulay abong imprastraktura at mga solusyong nakabatay sa kalikasan.
Iniulat din ni Dizon ang patuloy na trabaho upang matakpan ang mga puwang sa kahabaan ng Calizon-to-Poblacion sa Calumpit, na may target na pagtatapos sa unang quarter ng susunod na taon.
“At least, may timeline tayo. Hindi na tayo nagsasabi dito ng drawing sa PowerPoint. Ine-execute na po namin ito, we are already doing it,” aniya.
Sa pangmatagalan, nanawagan si Dizon na muling pag-usapan ang panukala ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2000 para sa Labangan Channel, na binabanggit ang mahalagang papel nito sa pagtugon sa patuloy na pagbaha sa Bulacan.
Ayon kay Dizon, ang Japan ay naglaan ng ₱ 65 bilyong pondo para sa proyekto, habang si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay nangako na mapapabilis ang pag-apruba nito.
Binanggit din niya ang panukalang Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project, na pinag-aaralan pa rin sa tulong ng Asian Development Bank (ADB).
Bago matapos ang pagpupulong ay tiniyak ni Dizon sa mga Bulacan LGUs ang kanilang kooperasyon at koordinasyon at isumbong sa kaniyang tanggapan kung sino sa tatlong Bulacan District Engineers ang hindi makikipagtulungan.
Pinagtibay ng gobernador ang kahandaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na makipagtulungan sa DPWH, at binigyang-diin ang pangangailangang mabigyan ng atensyon, patuloy na pagsubaybay, at wastong aksyon ang mga natukoy na alalahanin ng probinsya tungkol sa pagbaha.
“Nakahanda pong makipagtulungan ang Lalawigan ng Bulacan sa isang matapat, at tiyak na makipag-ugnayan. Ang hangad lamang namin ay ma na ang inilahad naming suliranin patungkol sa usa ito ay makapukaw ng atensyon, mabantayan at maisagawa ng tama,” sabi ni Fernando.
Para kay Fernando, ang pangunahing ikinababahala ay ang kalagayan ng mga Bulakenyo na patuloy na nabubuhay sa paulit-ulit na banta ng pagbaha. Binigyang-diin ng kanyang mensahe ang kahandaan ng probinsya na makipagtulungan at ang panawagan nito na matugunan ang mga natukoy na problema sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad at mahigpit na pagsubaybay sa mga interbensyon.





