MARAMI sa atin ang nakararamdam ng nerbyos sa pang-araw araw na buhay. Paggising pa lang natin sa umaga ay nakaabang na ang maraming alalahanin. Andyan ang mga problema sa trabaho o negosyo, sa mga relasyon sa isa’t-isa, o maging sa pansarili. Ang lahat ng ito ay normal lamang, at madalas na nabibigyang solusyon ng karamihan.
Pero may mga pagkakataon na ang mga suliranin ay parang napakalaki at halos hindi na natin maisip ang solusyon, o kaya nama’y pinalalaki natin ito sa ating isip. Ito ay maaaring magresulta sa tinatawag na anxiety attack, o matinding atake ng nerbyos. Sa ganitong sitwasyon, ikaw ay pinagpapawisan ng malagkit, mabilis ang pintig ng iyong puso, at para bang ikaw ay hihimatayin. Hindi ako doktor o sikologo, ngunit bakit ko alam ito? Dahil naranasan ko na rin ito sa maraming pagkakataon. At nawa’y maibahagi ko ang aking naging solusyon sa problemang ito (bagama’t may mga pagkakataon pa ring nangyayari ito, hindi na sya kasingbigat kumpara noong araw).
Ayon sa aking mga nasaliksik, at ayon na rin sa mga kaalamang nakuha ko sa mga kaibigang doktor, ang anxiety attack ay nangyayari dahil sa itinuturing ng utak natin ang sitwasyon bilang isang fight-or-flight situation. Sa ganitong sitwasyon, inaakala ng ating isip na may isang nakaambang panganib (kahit wala naman), kung kaya’t naglalabas ang utak ng kemikal na adrenaline, na syang kailangan upang tayo’y lumaban o tumakbo (fight or flight). Noong sinaunang panahon, mahalaga ito, dahil kung nasa harap mo ang isang tigre, ay dapat ka talagang mag-isip kung lalaban ka o tatakas. Sabagay, magagamit mo rin ito kung may pisikal na panganib sa kasalukuyan.
Ang hindi maganda ay kung hindi naman pisikal ang panganib subalit ganito pa rin ang reaksyon. Halimbawa, hindi ka nakagawa ng project sa trabaho o sa paaralan. Dahil kabado kang mapagalitan, maaaring gumana ang iyong fight or flight response at ikaw ay nenerbyosin ng todo. Hindi tama ang reaksyon dahil hindi ka naman kakagatin o lalapain ng iyong amo o guro dahil sa hindi mo nagawang proyekto.
Mayroong mga taong umiinom ng pampakalma subalit ito ay ayon sa iyong doktor. Higit na mabisa ang magmuni muni sa sarili. Ating tandaan na kung hindi naman pisikal ang panganib, wala tayong dapat masyadong ikabahala. Ang lahat ng problema ay may solusyon.
Pinakamahalaga sa lahat ang maging mabait sa sarili. Isipin natin na walang taong perpekto. Kung may pagkakamali man tayo sa isang responsibilidad—tayo ay tao lamang. Ayusin natin ang pagkakamali at humayo na tayo sa susunod na gagawin.
Wag mo rin masyadong i-stress ang iyong sarili. Kung mahilig kang manood ng mga balita sa TV, medyo bawasan mo ito. Dahil ang mga balita sa TV ay binuo na pangkuha ng atensyon, ito ay madalas na ukol sa mga negatibong balita, at makadadagdag lamang ito sa ating mga iniisip. Bawasan mo rin ang oras sa social media.
Magkaroon ka ng isang regular na ritwal sa umaga, halimbawa’y panalangin o pagkanta ng isang himno, pagbabasa ng mga banal na kasulatan ng iyong relihiyon, na lagi mong gagawin sa araw-araw. Sa ganitong paraan, grounded ka sa katotohanan at handa kang harapin ang araw mo.
Kung napapagod ka na sa mga gawain, huminto muna kahit 10 o 15 minuto at umupo ng tahimik. Maaari ding matulog ng maikli kung may pagkakataon.
Mahalaga ang magkaroon ng achievements o ang makisangkot sa mga pangyayari sa iyong komunidad o daigdig, ngunit kung ito ay nagiging dahilan upang maging malakas ang iyong nerbiyos, panahon na upang ikaw ay huminto saglit at kumalma muna. Dito nais kong ibahagi ang Psalmo 46:10 na napakainam basahin sa ganitong pagkakataon.
“Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios.” (“Be still and know that I am God.”)
Sa bumabasa nito, nawa’y pagkalooban ka ng calmness ng Panginoon.
Namaste.