Pagbuo ng Department of Water isinusulong ni Mayor Natividad

Iminumungkahi ni Malolos City Mayor Christian Natividad ang pagbuo ng nationalized flood solution agency o Department of Water upang maresolbahan ang suliranin sa baha.

Ayon kay Natividad, ang pagtatayo ng Department of Water ang siyang nakikita niyang  epektibong ahensiya ng gobyerno na siya lang hahawak sa pagresolba sa mga isyu sa tubig kabilang na rito ang suliranin sa pagbaha sa maraming lugar sa bansa.

Sa usaping pagbaha, ipinaliwanag ng alkalde na ang kinakaharap ng gobyerno at ng maraming Pilipino sa  problema sa pagbaha ay ang kaniya-kaniyang pagkilos ng mga local government unit o localized territorial jurisdiction ng pagkilos sa problema.

Malolos City Mayor Atty Christian D. Natividad

“Hanggat ang approach natin sa pagbigay ng solusyon sa baha ay local, hindi matatapos ang problema. Dapat ay alisin ang decentralization ng pagsasa-ayos sa baha, i-nationalize na natin ito,” wika ni Natividad.

Giit ni Natividad, isa na lamang ang dapat kikilos na may kinalaman sa patubigan, sa inumin, sa irigasyon, sa electrification, sa mga drainage management system lalo nasa baha ay isang coach na lamang.

Sinabi ni Natividad na ang nangyayari halimbawa ay mayroon apat na munisipalidad o lalawigan, gagawa ng proyekto kontra baha ang isa na magdudulot ng negative effect sa katabi nito. Aniya, gayundin ang gagawin ng isa hanggang maiwan na at bahain nang tuluyan ang dalawang LGU at kalaunan ay magtataas na rin ng lugar ang dalawang naiwan na ang epekto ay babahain naman ang dalawang naunang LGU-“Paikot-ikot lang tayo ng senaryo, ang kawawa ay ang komunidad”.

Aniya, iba-iba o kaniya-kaniya ang approach sa flood management ang mga LGU kaya nararapat at napapanahon na aniya ang pagkakaroon ng bukod na ahensiya na siya lamang ang gagalaw at aaksyon sa usaping tubig gaya ng sa baha.

Isa pang nakikitang epektibong pamamaraan ay ang karagdagang imbakan ng tubig o water catchment facility upang matugunan ang problema sa baha.

Nabatid na ang mga tubig na nanggagaling sa upstream ng lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Bataan at maging ng Metro Manila ang malaking bahagi na nagdudulot ng pagbabaha sa mga naturang lugar kaya malaking tulong ang mga karagdagang water dam na ilalagay na sasalo ng tubig mula sa upstream.

Sinabi ni Natividad na sa Lungsod ng Malolos ay pinaiiral na ang isang city ordinace kung saan ang mga estbalisyimento rito ay obligadong maglalagay ng impounding water at treatment facility sa kanilang itatayong establisyimento.

Paliwanag pa ni Natividad na magagamit pa ang mga maiimbak na tubig upang tugunan ang pangangailangan sa kakulangan sa suplay ng tubig.

Sinabi ng alkalde na marami ang hikahos tubig kung saan ay maraming tubig ang nasasayang na sa halip na maging biyaya ay nagiging trahedya pa partikular nasa Luzon at kung mayroong mga additional dams na sasalo sa tubig ulan ay magsisilbi pa itong water source.