LUNGSOD NG MALOLOS – “Saan napunta ang P41 bilyong budget? Bakit lubog pa rin sa baha ang Bulacan?”
Hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan ang publiko at mga mamamahayag na tumuon sa tunay na solusyon sa halip na online distractions, at hinamon ang mga awtoridad na iulat ang P41 bilyong nawawalang resulta ng flood-control.
“Iyan din ang tanong ko. Iyan ang tanong ng bawat Bulakenyong nabubuhay sa pangamba ng malawakang pagbaha sa tuwing sasapit ang ganitong panahon. Iyan ang tanong ng mga bayang nilalamon na ng high tide, ng mga magsasaka, mga manggagawang natanggal na sa trabaho sa dami ng absent, mga negosyante at mga komunidad na paulit-ulit na naaapektuhan ng palala nang palalang pagbaha sa Bulacan,” giit ng gobernador.

Sa ginanap na press conference sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Martes, Aug. 25, nanawagan ang gobernador ng sistematikong pagbabago, transparency, at agarang sagot para sa binahang mga komunidad sa lalawigan.
Sinabi niya na ang diskusyon ng publiko ay dapat umusad mula sa isang viral clip ng kanyang panayam kamakailan tungo sa mas mahalagang tanong kung saan napunta ang bilyun-bilyong pondo sa flood-control.
Nilinaw ni Fernando na nag-ugat ang kanyang tugon sa kawalan ng eksaktong datos na nakalap sa kanyang maikling panayam, sa halip na kawalan ng kamalayan o pag-aalala tungkol sa krisis ng pagbaha sa Bulacan.
“Ang pagsasabing ‘hindi ko alam’ sa isang tanong na nangangailangan ng eksaktong datos ay hindi nangangahulugang ‘wala akong alam o walang pakialam.’ Hindi rin ito patunay ng kapabayaan, pagiging iresponsableng pinuno, at lalong hindi ito maaaring gawing ebidensiya ng pagkakasangkot sa anumang anomalya,” pagdidiin niya.
Muling binanggit ng gobernador na ang naitalang P41 bilyon sa mga proyekto ng flood-control ay hindi sakop ng kontrol niya o ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ngunit pinondohan, pinlano, kinontrata, at ipinatupad ng mga ahensya ng pamahalaang nasyunal.
Sa huli, muling pinagtibay ni Fernando ang kanyang paggalang sa papel ng mga mamamahayag sa pagpapanagot sa mga opisyal ng pamahalaan, at sinabing ang mga mamamahayag ay may karapatang magtanong ng mahihirap at hindi kumportableng mga tanong—at ang mga pampublikong opisyal naman ay may tungkuling harapin at sagutin ang mga ito—habang nananawagan para sa responsable at tamang pamamahayag na nagbibigay ng wastong bigat sa konteksto, ebidensya, at katotohanan.
“Public officials must be accountable, but, media must be accountable, too,” ani Fernando, habang binibigyang-diin na ang publiko ay nangangailangan ng pamamahayag na hindi lamang naghahanap ng isang viral moment kundi nagsisikap na ipakita ang buong katotohanan.





