
LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Ganap nang mga ‘ASEAN-Ready’ ang unang 25 Tatak Bulakenyo micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa tulong ng iba’t ibang istratehiyang nakapaloob sa One Town, One Product (OTOP) Next Generation program ng Department of Trade and Industry (DTI).
Iyan ang iniulat ni DTI Provincial Director Coco Chanel Garcia-Yap sa ginanap na Kapehan with Media Partners matapos buksan ang BUYanihan sa Bulacan Trade Fair sa Waltermart-Malolos.
Ngayon aniyang sentro ang Pilipinas ng mga pulong kaugnay ng pagiging tagapangulo ng bansa sa ASEAN o Association of Southeast Asian Nations, napapanahon na maitanghal ang mga MSMEs na matagumpay na naitaas sa ganitong antas.
Kaya naman tinatanaw ng DTI na marami pa ang uubrang maging ‘ASEAN-Ready’ sa Bulacan, ngayong nakapagtala ng nasa 9,516 na mga bagong MSMEs ang nairehistro sa lalawigan mula Enero hanggang Hulyo 2026.
Sa loob ng bilang na ito, nasa 5,373 na mga MSMEs na inirehistro na kabilang sa mga prayoridad na industriya tulad ng kape, kakao, kawayan, processed foods at mga wearables.
Masasabing ‘ASEAN-Ready’ ang isang MSME kung pumasa ito sa mga itinakdang rekisito partikular para maging Halal certified, Food and Drug Administration certification, license to operate, at pagiging on-boarded sa mga digital marketing platform.
Tiniyak ni Yap na magpapatuloy ang pagbibigay ng sabsidiya sa mga MSMEs na nais makapag Halal certified sa pamamagitan ng Halal Industry Development and Promotion Project Fund.
Iba pa rito ang regular na pagsasagawa ng DTI ng Halal Basics and Certification Procedures na libreng ibinibigay para sa mga MSMEs na lumalahok.
Ang sertipikasyon ay ipinagkakaloob ng Halal International Chamber of Commerce and Industries of the Philippines, Inc. na naaayon sa doktrinang ipinaiiral sa Islam sa aspeto ng pagkain at pagpoproseso nito.
Layunin ng programang ito na maipasok ang mga MSMEs sa mas malalaking merkado sa ASEAN kung saan ilang bilyong katao ang pawang mga Muslim partikular sa mga bansang Indonesia, Malaysia, ilang bahagi ng Singapore at katimugan ng Thailand.
Sa Bulacan, kabilang sa 25 mga MSMEs na Tatak Bulakenyo ang idineklarang ‘ASEAN-Ready’ ang mga gumagawa ng ube, buko pie, mushroom chips, cornics at mga condiments. Kabilang na rin sila may 30 exporters na natulungan ng DTI na makapasok sa mga bansang may umiiral na mga free trade agreements ang Pilipinas.
Kaugnay nito, para patuloy na makasulong ang mga MSMEs sa Bulacan na matamo ang pagiging exporter at maging ganap na mga ‘ASEAN-Ready’, patuloy ang pagpapahiram ng DTI sa pamamagitan ng Small Business Corporation ng mga puhunan.
Mula Enero hanggang Hunyo 2026, aabot sa P74.8 milyon ang naipahiram sa may 94 na mga MSMEs.





