Babae, 2 anak natagpuang patay sa loob ng sasakyan sa Bulacan

SAN RAFAEL, Bulacan — Kapwa mga wala nang buhay nang matagpuan ang ang mga labi ng isang 31-anyos na babae at ang dalawa niyang menor de edad na mga anak sa loob ng isang sasakyan sa Bgy. Talacsan, San Rafael, Bulacan, Huwebes ng hapon, August 20.


Sa inisyal na report ng San Rafael Municipal Police Station, nakatanggap umano sila ng tawag bandang alas-2:11 p.m. hinggil sa isang kulay silver na sasakyan na mayroon umanong mga hinihinalang mga bangkay sa loob ng nasabing sasakyan na inabandona sa isang bakanteng lote sa naturang lugar.


Pagdating sa lugar, dito tumambad sa mga awtoridad at mga barangay officials ang bangkay ng tatlong biktima na nasa likod na bahagi ng sasakyan.

Sa panimulang imbestigasyon, ang mga biktima ay isang 31-anyos na babae at ang dalawang anak nito na nasa edad 9-anyos at 4-anyos na pawang mga residente ng Baliwag City, Bulacan. 

Nakipag-ugnayan na ang San Rafael Police sa kaanak ng mga biktima kung saan lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na huling nakita ng ama ang mga mag-iina niya 5:00 p.m. noong Miyerkules, August 19. 

Bagamat blanko pa ang kapulisan sa naturang krimen ay patuloy ang imbestigasyon ng mga ito kabilang na ang isinasagawang back tracking sa mga closed-circuit television (CCTV) para sa agarang ikalulutas ng nasabing karumaldumal na krimen.

Nabatid na liblib na lugar at rough road ang daan na napapaligiran ng mga matataas na talahib ang pinagtagpuan ng sasakyan.
Wala pang karagdagang impormasyon ang PNP ukol sa krimen – kung paano o ano ang naging sanhi ng pagkamatay ng mga biktima ngunit tiniyak ng mga awtoridad na patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa likod nito.

Photo credit: GMA News