Isinailalim na ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Bulacan matapos ang magkakasunod na Bagyong Maymay at Luis na pinalakas pa ng habagat o southwest monsoon na nagdulot ng malawakang pagbaha at pinsala.
Ang Kapasiyahan batay sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Council ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan na may Kapasiyahan Blg. 708-T’2026 sa isang espesyal na sesyon na ginanap noong Agosto 17, 2026 sa ilalim ng pinagtibay na PDRRMC Resolution No. 11, Series of 2026.

Layunin ng deklarasyong ito na bigyang-daan ang agaran at epektibong mga hakbang sa pagtugon at pagbangon sa mga apektadong mamamayan at lokal na pamahalaan (LGU) mula sa mapaminsalang epekto ng kalamidad at maging pagkatapos nito.
Base sa situational report ng PDRRMC, ang mga Bagyong Maymay at Luis ay nagdulot ng malakas na pag-ulan sa maraming lugar sa lalawigan ng Bulacan at nakaranas ng pagbaha na umabot sa 1.35 metro 0 4.43 talampakan na nakaapekto sa halos 278,000 na pamilya 0 nasa 960,821 na indibidwal na naitala noong Agosto 14, 2026.
Sa panayam kay Fernando, sinabi nito na na ang nasabing kalamidad ay nakapaminsala at nakaapekto sa agrikultura at pangisdaan sa lalawigan na may tinatayang 2,788 na mga magsasaka at mangingisda, 895,86 ektarya ng palayan na walang posibilidad na makabawi sa kanilang mga nasirang pananim.
Nabatid na nasa P96.276 million ang halaga mula sa 712 na bilang ng imprastraktura, makinarya at kagamitan ang lubos na napinsala.
Umabot naman sa mahigit P3.2 million ang panimulang halaga ng mga naapektuhang livestock kung saan P180-million ang halaga ng nasira ritong imprastraktura.
Ang kahinaang ito ay lumampas sa 15 porsyentong limitasyon ng populasyon na nasa panganib, na kinakailangan sa ilalim ng NDRRMC Memorandum Order No. 60, s. 2019, upang bigyang-katwiran ang deklarasyon ng state of calamity.
Binigyang-diin ni Vice Gov. Alexis Castro, Presiding Officer ng Sangguniang Panlalawigan ang pag-apura sa paggamit ng lahat ng kinakailangang mapagkukunan ng gobyerno upang maibalik ang normal na kalagayan, makapaghatid ng tulong, at masimulan ang mga pangmatagalang pagsisikap sa rehabilitasyon.
Samantala, patuloy na nananawagan si Fernando para sa kooperasyon, pagbabantay, at pagkakaisa ng publiko habang isinusulong ang mga pagsisikap sa pagtugon at pagbangon sa diwa ng bayanihan, na tinitiyak na walang Bulakenyo ang maiiwan.
Tuloy-tuloy din ang pamamahagi ng food packs ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Fernando at Castro kabilang dito ang pamamahagi ng ayuda mula sa national.
Nitong Huwebes, Agosto 19, ay namahagi sina Fernando at Castro ng mga bigas sa bayan ng Paombong na bahagi ng Assistance to Indigent Individuals or Families-Food Assistance- Rice Distribution Project sa ilalim ng Local Government Support Fund-Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU).
Ayon kay Castro, ang mga ipinamahagi ay hindi sa kanila nanggaling kundi sa pamahalaang nasyunal mula sa ibinabayad nilang buwis at sila lamang ang tagapag-hatid.





