Tunawan ng bakal sa Magalang pinaiimbistigahan sa NBI at PAOCC

Pinaiimbistigahan ni Magalang, Pampanga Vice Mayor Eller Pecson sa National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isa pa umanong ilegal na steel melting facility na nag-ooperate sa isang barangay sa nasabing bayan.


Nauna rito ay sinalakay na ng nasabing otoridad ang Chuangxing Steel Incorporated noong July 18, 2026 kung saan nadiskubre rito ang nagkakahalaga ng P3-bilyong radioactive-bearing industrial materials, contaminated production equipment at mga structurally substandard finished products sa nasabi ring bayan.


Sa nasabing pagsalakay ay 4 na company officers ang inaresto habang 347 Filipino at 37 Chinese workers ang nailigtas mula sa hazardous industrial conditions.


Sa panayam kay VM Pecson, sinabi nito na nakatanggap ang kaniyang opisina ng mga reklamo, larawan, video footages at mga dokumento na nagpapakita ng umano’y operasyon ng isa pang tunawan ng bakal na matatagpuan sa Barangay San Ildefonso na hinihiling na paimbistigahan sa NBI at PAOCC.


Nabatid na makikita sa video ang ilang mga trabahador saloob ng pasilidad na walang mga suot na safety gears.


Ayon kay Pecson, ang mga nasa larawan at video na nagpapakita ng walang sapat na safety gears at personal protective equipment (PPE) ang mga manggagawa doon ay nakakaalarma dahil sa panganib sa kanilang kaligtasan at kalusugan kaya nais niya itong paimbestigahan.


Giit ni Pecson, kung mapapatunayan na mayroong mga paglabag sa batas ang pasilidad ay kailangang agad itong maipasara para sa kaligtasan ng mga manggagawa at pangangalaga sa kalikasan. 


Binanggit din niya ang pangamba sa posibleng pagproseso ng mga radioactive materials na maaaring magdulot ng panganib sa kapaligiran at sa kalusugan ng mga residente gaya ng natuklasan kamakailan sa Chuanxing Steel.


Napag-alaman na ilang manggagawa ng Chuangxing Steel ang nakararanas ng hindi maayos na kundisyon sa kanilang mga kalusugan kabilang ang panlalabo ng mata at pagkabingi.


Ayon sa mga manggagawa na hiniling na itago ang kanilang pagkakakilanlan ay nakararanas sila ng pagkabingi at paghina ng paningin na iniuugnay nila sa matagal na pagkakalantad sa matinding ingay at iba pang hindi maayos na kundisyon sa loob ng sinalakay na planta.


Sumadya na rin ang mga ito sa National Labor Relations Commission (NLRC) sa San Fernando City at pormal na nagsampa ng mga reklamo laban sa Chuangxing Steel at manpower agencies nito na Kingsmen Manpower and General Services Inc. at Bantayan Manpower Services.


Inireklamo nila ang Chuangxing Steel Incorporated, Kingsmen Manpower and General Services Inc. at Bantayan Manpower Services dahil sa anila ay hindi ligtas na kondisyon sa paggawa, hindi tamang pagpapasahod, at iba pang paglabag sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa.


Samantala, sinisikap pa makuha ang panig ng Kingsmen Manpower and General Services Inc., Bantayan Manpower Services at ng Chuangxing Steel Incorporated hinggil sa isinampang kaso laban sa kanila.