
Bunsod sa nangyaring pamamaril na ikinasawi ng 3 estudyante at ikinasugat ng 7 pa sa isang paaralan sa Tacloban, Leyte ay agarang umaksiyon ang pamahalaang lungsod ng Malolos kung saan ang mga pampublikong paaralan dito ay pinagkalooban ni Mayor Christian Natividad ng mga handheld metal detector bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad sa mga eskwelahan.
Nabatid na ito ay mula sa derektiba ni Natividad na naglalayon ng karagdagang seguridad na maiwasan at maharang ang mga nagnanais na magdala at magpasok ng ano mang uri ng deadly weapon sa mga paaralan sa Malolos.
Katuwang ng Malolos LGU ang Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa pangunguna ni PCOL Jay Baybayan sa pamamahagi ng handheld metal detector.
Kabilang sa mga unang nakatanggap ng metal detector ang Marcelo H. Del Pilar National High School, City of Malolos Integrated School-Sto. Rosario, City of Malolos Integrated School-Catmon, at Barasoain Memorial Integrated School.
Isinagawa ang pamamahagi ng nasa 120 handheld metal detector bilang tugon sa mga naitalang insidente sa ilang paaralan sa bansa na may kaugnayan sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na kagamitan o deadly weapon tulad ng patalim at baril.
“In response to the prevalent school related violence in the country, the City of Malolos LGU together with DepEd, Association of Barangay Captains, PNP and DSWDO deems it proper to adjust further the mechanisms that will ensure the well-being of our students even going beyond the school premises. These metal detectors will greatly and immediately boost the protection of our students and the school community as a whole,” wika ni Mayor Natividad.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Malolos City Schools Division Superintendent Leilani Santos Cunanan ng Department of Education (DepED) kay Mayor Natividad sa suporta ng pamahalaang lungsod at binigyang-diin na kaakibat ng inisyatibang ito ang pagpapatupad ng DepEd Order No. 6, Series of 2026, kabilang ang oryentasyon sa mga pampubliko at pribadong paaralan tungkol sa bullying, mental health, disaster preparedness, at wastong paggamit ng cellphone.
“Mayroon kaming pino-propose ngayon na we are coming up with virtual counseling, we are training counselors as well as the youth formation center, parang crisis center ito where students na nagkakaroon ng problema. We are partnering with medical institutions na licensed para mabigyan ng interventions ang mga students na nagmamanifest ng mental depression, generalized anxiety disorders,” ani Cunanan.
Sinabi naman ni PCOL Baybayan na pinaigting na nila ang police visibility sa mga schools bukod pa ang coordination sa mga principal at heads sa mga schools.
Aniya, sasailalim din sa pagsasanay ang mga security guard sa wastong paggamit ng mga ipinamahaging metal detector at magtatalaga ng tig-dalawang pulis sa bawat paaralan sa Malolos bilang dagdag na proteksyon during school hours.
Ayon naman kay Chief of Staff Fernando E. Durupa, ang programa ay ipinatupad sa ilalim ng direktiba ni Mayor Natividad bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.





