LUNGSOD NG MALOLOS –Bilang pagkilala sa kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan, isa si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga tumanggap ng DUYAN Ka ng MAGITING Awards 2026 sa kategoryang Natatanging Pilipino sa Larangan ng Paglilingkod sa Tao at sa Bayan na ginanap noong Hunyo 12, 2026 sa AFP Commissioned Officers Club House, Tejeros Hall, General Emilio Aguinaldo, Quezon City, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Ang parangal ay kumikilala sa mga natatanging lider, tagapagtaguyod ng pagbabago, lingkod-bayan, at mga propesyunal na nagpakita ng kahusayan at dedikasyon sa pagpapalakas ng mga komunidad, pagsusulong ng kapakanang pampubliko, at pagbibigay-inspirasyon sa pambansang dangal sa pamamagitan ng makabuluhang paglilingkod.
Kinilala si Fernando dahil sa kanyang patuloy na serbisyo publiko at sa pagpapatupad ng mga programa at inisyatibang nakatutulong sa kapakanan at kaunlaran ng mga Bulakenyo. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ipinagpapatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga proyektong nakatuon sa serbisyong panlipunan, pagpapaunlad ng komunidad, at mabuting pamamahala.
Binigyang-diin din ng pagkilalang ito ang papel ng gobernador sa pagsusulong ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan habang pinapalakas ang inklusibong pag-unlad at mas matatag na mga lokal na komunidad.
Ang DUYAN Ka ng MAGITING Awards 2026 ay bahagi ng taunang paggunita sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, na nagtatampok sa mga indibidwal na ang dedikasyon at paglilingkod ay sumasalamin sa pagiging makabayan, liderato, at kahusayan sa pagbuo ng bansa.





