Sa nangyaring magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Lunes ng umaga kung saan 45 ang naitalang nasawi sa kasalukuyan, nagpatawag si Malolos City Mayor Christian Natividad ng pagpupulong kasama ang City Administrator Office at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang muling magsagawa ng revisit at ocular inspection sa mga pribado at pampublikong gusali sa lungsod.
Ayon kay Natividad, inutos niya ang agarang pagbisita at muling siyasatin ang structural integrity ng mga gusali sa Malolos pangunahin na rito ang mga paaralan at unibersidad kasunod ng malagim na trahedyang sinapit ng mga taga-Mindanao na ikinasawi ng maraming indibidwal.

Dahil sa pangyayari sa Mindanao ay sumariwa muli ang pangamba at alalahanin ng mga residente ng Malolos partikular na ang mga magulang sa nakaraang isiniwalat ni dating DPWH District Engineer Brice Hernandez na sub-standard ang mga gusali at iba pang infrastraktura pangunahin na sa Unang Distrito ng Bulacan sakop ang Malolos.
Magugunita sa mga unang pagdinig sa Senado noong nakaraang taon kaugnay ng maanomalyang flood control project ay isiniwalat ni Hernandez na marami ang sub-standard na infrastructure project kasama ang mga paaralan sa Bulacan partikular na sa First District.
Dahil sa nangyaring 7.8 lindol sa Minadanao, lalong nangibabaw ang takot sa maraming magulang sa Malolos para sa kanilang mga anak kaya’t agad na ipinag-utos ni Mayor Natividad ang muling pag-check sa mga gusali.
“Kailangan po natin gawin ito to determine the structural integrity specifically ang mga private at public schools. As a matter of fact, mayroon tayong ilang buildings na idineklarang not suitable as a school building,” wika ni Natividad.
Ayon kay Joel Eugenio, City Administrator, dalawang eskuwelahan ang sinasabing hindi maaaring gamitin makaraang ma-detect na hindi safe gamitin due to structural damage.
Ito ay ang BLISS Elementary School sa Barangay Bulihan at ang General Isidro Torres Memorial Elementary School sa Barangay Matimbo.
Sinabi ni Natividad na umuupa pa ang city government ng structural engineer para i-determine kung suitable for occupation ang mga gusali sa Malolos at dahil nga sa nangyaring lindol sa Mindanao ay kailangan umanong obligahin nila na ulitin inspeksyunin ang integridad ng mga gusali.
Samantala, kakausapin ni Natividad ang konseho ng Sangguniang Panglungsod upang tanungin kung mayroon extra fund na pwedeng maitulong sa mga apektado ng lindol sa Mindanao na manggagaling sa local funds.




