Pangangalaga sa ina at sanggol sa Malolos pag-iibayuhin

Upang mapalakas ang pangangalaga sa kalusugan ng mga ina at bagong panganak na sanggol ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos, kasama ang Sacred Heart Hospital of Malolos, Inc. nitong ika-18 ng Mayo, 2026. 

Ang ceremonial signing ay pinangunahan  nina Mayor Christian D. Natividad, kasama sina City Health Office Head Dr. Frederick Cesar Irineo T. Villano at Sacred Heart Hospital of Malolos President and Chief Executive Officer Geraldine Yee Rodriguez, MD, FPAAAMMI, MPH. 

Layunin ng kasunduang ito na magtatag ng mas maayos, organisado, at tuloy-tuloy na sistema ng serbisyong pangkalusugan mula sa ospital hanggang sa komunidad.

Ito ay alinsunod sa iba’t ibang pambansang batas na nagsusulong ng pangangalaga sa bagong panganak tulad ng mga pamantayan ng Department of Health (DOH), pandaigdigang organisasyon gaya ng WHO at UNICEF. Pinagtitibay nito ang kahalagahan ng breastfeeding bilang pangunahing paraan ng nutrisyon para sa mga sanggol, gayundin ang pagsunod sa Philippine Milk Code.

Isa sa mga pangunahing bahagi ng kasunduan ay ang referral system kung saan ang mga ina at sanggol na bagong labas mula sa ospital ay agad na iuugnay sa City Health Office para sa tuloy-tuloy na monitoring at follow-up. Kasama rito ang pagbibigay ng tamang gabay sa pagpapasuso, pagsusuri sa kalagayan ng sanggol, at pagtukoy sa mga posibleng komplikasyon.

Partikular na binibigyang-pansin ang mga sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan, may mababang timbang, o may kondisyon sa kalusugan. Sa pamamagitan ng koordinasyon ng ospital at lokal na pamahalaan, masisiguro ang agarang aksyon kung kinakailangan ng mas mataas na antas ng gamutan.

Malaki rin ang magiging bahagi ng mga Barangay Health Workers na tumulong sa pagsubaybay at pagbibigay-suporta sa mga ina sa kanilang tahanan. 

Magkakaroon din ng taunang pagpupulong upang suriin ang implementasyon at tiyakin ang pagsunod sa mga itinakdang pamantayan, kabilang ang proteksyon sa datos ng mga pasyente.

Sa kabuuan, ang kasunduang ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas pinatibay na sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Lungsod ng Malolos—isang kooperasyon na naglalayong mapabuti ang kalusugan ng bawat ina at sanggol sa komunidad.

Nakiisa rin sa gawain sina Executive Assistant ng City Mayor’s Office, Omar Magno, at kinatawan ng City Legal Office.