Mensahe ni Senator Joel Villanueva sa pagdiriwang ng Labor Day

Sa mga unang buwan ng taong 2026, malinaw po nating nakita ang matinding hamon na kinakaharap ng ating mga manggagawa.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin—na dulot ng mga pandaigdigang pwersa tulad ng mataas na taripa at sigalot sa Gitnang Silangan—lalo pong lumiit ang halaga ng kinikita ng bawat Pilipino.

Kaya ngayong Araw ng Paggawa, hindi po sapat ang pagkilala lamang sa sakripisyo ng ating mga manggagawa, kasama ang ating mga Overseas Filipino Workers. Ang higit na kailangan ay malinaw at konkretong aksyon mula sa pamahalaan.

Bagama’t may mga hakbang nang ginawa para sa ilang sektor, mas marami pa rin ang nangangailangan ng tulong. Nananawagan tayo sa Department of Labor and Employment na palawakin at palakasin ang mga programang tulad ng SPES at TUPAD.
Doblehin ang bilang ng mga benepisyaryo at gawing mas makabuluhan ang mga proyektong ito—kabilang na ang community vegetable farming upang makatulong sa seguridad sa pagkain ng bawat pamilya.

Hinihikayat din natin ang mas pinalawak at mas accessible na implementasyon ng mga programang tulad ng KADIWA at Diskwento Caravan. Ilapit po natin ito sa mga manggagawa—sa kanilang mga komunidad at sa mga oras na sila ay mas makikinabang.

Kasabay nito, huwag nating kalimutan ang sektor ng MSMEs, na binubuo ng siyamnapu’t siyam na porsyento ng ating mga negosyo at nagbibigay trabaho sa karamihan ng ating mga manggagawa. Sa pamamagitan ng wage subsidy sa ilalim ng DOLE Adjustment Measures Program, matutulungan nating manatiling bukas ang kanilang mga negosyo at mapanatili ang trabaho ng marami.

Sa hinaharap, mahalaga ring paghandaan ang mga bagong oportunidad sa larangan ng renewable energy at electric vehicles. Dapat tiyakin ng DOLE, katuwang ang TESDA at iba pang ahensya, na handa ang ating mga manggagawa sa mga trabahong ito. Kasabay nito, patuloy nating hikayatin ang pamumuhunan sa mga industriyang ito upang makalikha ng mas marami at mas magagandang trabaho.

Sa kabuuan, ang mga hakbang na ito ay mahalaga upang maibsan ang bigat na pasan ng ating mga manggagawa. Nananawagan tayo sa ating mga ahensya ng pamahalaan na isulong ang mga programang ito nang may agarang aksyon at malasakit.

Mabuhay ang manggagawang Pilipino. Isang mapagpalang Araw ng Paggawa sa ating lahat.