Mayor Natividad walang nakikitang dahilan para i-postpone ang BSKE

Walang nakikitang dahilan si City of Malolos Mayor Atty. Christian D. Natividad para i-postpone muli ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) ngayong 2026.

Ayon kay Natividad, mayroon nang desisyon ang Supreme Court (SC) na nagsasabi na ipatupad ang BSKE sa itinakdang araw Nobyembre 2, 2026 matapos ang nakaraang eleksyon.

Mayor Christian Natividad

Aniya, malaking dilema para sa mga legal luminary kung ipagpapaliban ang BSK Election kung saan  gagawan muli  ito ng batas ng Kongreso at Senado na ipinatupad na noong unang ipagpaliban na tahasan namang sinabi ng Korte Suprema na mali ang kanilang ginawa.

“Sa ano mang kadahilan kailangang sundin ang date “set forth” dun sa interepretation ng batas sa SC natin kung kailan lang dapat may Barangay at SK election,” wika ni Natividad.

“Sa kaso natin, may nakatakda nang panahon, pasok ba sa dahilan ang emergency na eto para ipagpaliban muli ito ayon sa batas natin,” dadag ni Natividad.

Aniya pa, may kasabihan sa batas na ” Dura Lex Sed Lex” na nagsasaad na “the law is harsh, but it is the law” na nagpapahiwatig na ang mga batas ay dapat ilapat bilang nakasulat at sinusunod, kahit na sila ay mukhang malubha, nagpaparusa, o hindi patas sa mga partikular na sitwasyon.

Binibigyan-diin nito ang tungkulin kaysa sa personal na simpatya o kaginhawahan, na nakaangkla sa tuntunin ng batas.

Ang ganito aniyang batas ay hindi basta-basta pwedeng mabakli o hindi tupdin.

“Etong BSK Eleksyon na ito.. anong dahilan ang pupuwedeng makapagbakli para i-postpone ito, wala akong nakikitang dahilan para dun. Hindi dahilan ang kawalan umano ng pondo, that’s not even part of the reason. We have to push through with the electoral processes ng BSK election natin,” ani Natividad.

Dagdag pa ng punong lungsod, kung ano man ang sinasabing dahilan para ipagpaliban ang BSK election giit niya, ” That’s not fall under the excusable instances kung kelan pwedeng maging dahilan para i-postpone ang BSK Election”.

Sa orihinal na date ng BSK Election ay unang itinakda ito noong December 1, 2025 ngunit ipinagpaliban at itinakda muli ng Nobyembre 2026 base sa batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.