
Camp General Alejo S Santos, Malolos City, Bulacan — Nasawi ang isang holdaper nang mabaril ito matapos makipag-agawan sa kaniya ng baril ang tanod na sumita na dati pa lang isang pulis sa Sitio Gitna, Brgy. Balasing, Santa Maria, Bulacan, madaling araw ng Abril 16, 2026.
Nakatakas naman ang isa pang suspek sakay ng motorsiklo.
Batay sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, Hepe ng Santa Maria Municipal Police Station kay Bulacan Police Provincial Office (PPO), bandang 2:20 ng madaling araw ay naghahanda umano sa pagsasagawa ng patrol operation ang mga barangay tanod sa harap ng barangay hall ng Brgy. Balasing nang dumating ang dalawang indibidwal at nag-ulat na sila ay tinangkang holdapin ng dalawang lalaking sakay ng isang itim na motorsiklo.
Habang kinakausap ng mga tanod ang mga biktima at inaalam ang paglalarawan ng mga suspek, dumating ang isa pang motorsiklo mula sa direksyon ng Sapang Palay na agad itong kinilala ng mga biktima bilang ang parehong mga suspek na nagtangkang mangholdap sa kanila.
Agad na pinahinto ng mga barangay tanod ang mga suspek at inutusang patayin ang makina ng kanilang motorsiklo.
Gayunman, sa halip na sumunod ay bumunot ng baril ang back rider at itinutok ito sa mga tanod.
Dahil dito, mabilis na hinampas ng Deputy EX-O Barangay Tanod na isang retiradong pulis ang kamay ng armadong suspek gamit ang kanyang baton na nagresulta sa komosyon at agawan ng baril.
Sa gitna ng kaguluhan ay pumutok ang baril na tumama sa isa sa mga suspek na agad nitong ikinasawi.
Samantala, nakatakas naman ang driver ng motorsiklo at tumakas patungo sa direksyon ng Sapang Palay, City of San Jose Del Monte.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang (1) unit ng kalibre .45 na pistola.
Ang nasawing suspek ay nakasuot ng itim na hoodie jacket at tribal shorts habang ang nakatakas na kasamahan ay inilarawang nakasuot ng khaki jacket at sakay ng N-Max na motorsiklo.
Ang insidente ay iniulat sa Santa Maria Municipal Police Station bandang 4:00 ng madaling araw.
Agad namang naglabas ng flash alarm ang kapulisan sa Bulacan Tactical Operations Center at mga kalapit na lungsod at munisipalidad para sa agarang pagtunton at posibleng pagkakaaresto ng tumakas na suspek.
Pinapurihan naman ni Bulacan PPO director Bayanban, ang maagap na aksyon at katapangan ng mga barangay tanod na naging susi upang mapigilan ang tangkang krimen sa kanilang lugar.
“Patuloy nating pinaaalalahanan ang ating mga kababayan na manatiling mapagmatyag at agad na makipag-ugnayan sa kapulisan sa anumang kahina-hinalang aktibidad,” wika ni Bayanban.
Dagdag pa niya, patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng kapulisan para sa agarang pagkakaaresto ng tumakas na suspek, habang mahigpit na pinaigting ang police visibility at koordinasyon sa mga barangay upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng komunidad sa buong lalawigan ng Bulacan.





