Gov. Fernando, nagbigay ng tulong sa pinauwing mga OFW mula sa Gitnang Silangan

LUNGSOD NG MALOLOS – Naging instrumento ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando, sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO), sa pagpapauwi sa walong Overseas Filipino Workers (OFWs) na tumakas sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa pagdating nila sakay ng chartered plane mula sa Riyadh, Saudi Arabia patungo sa Villamor Air Base sa Lungsod ng Pasay, dinala ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga Bulakenyong OFW, kasama ang kani-kanilang pamilya sa gusali ng Kapitolyo, kung saan binigyan sila ng P10,000 perang tulong at dalawang kabang bigas, food packs, at kahon ng prutas ng The People’s Governor.

Sinabi ni Fernando na masaya siyang nakauwi ang mga bagong bayani nang buo at ligtas.

Welcome home- Gov. Daniel Fernando

“Welcome back po mga minamahal naming mga Bulakenyo. Ang isipin po natin ngayon kung paano tayo nagkatuwang-tuwang at magkatulung-tulong habang nandito po kayo,” anang gobernador.

Iminungkahi niya, na habang patuloy ang tensyon sa ibang bansa, maaaring lumahok ang mga nakauwing OFW sa buwanang job fair ng Pamahalaang Panlalawigan upang makahanap ng trabaho na tutugon sa kanilang kasanayan.

Samantala, ibinahagi ng Puno ng PPESO na si Inh. Egbert R. Robles kung paanong naglakad sa dilim nang 12 oras ang mga OFW upang humingi ng tulong na hindi alam kung makakauwi ba sila ng ligtas.

Samantala, nagpasalamat naman ang isa mga repatriated OFW sa gobyerno ng Pilipinas, kabilang ang Philippine Embassy sa Kuwait, ang Department of Migrant Workers, at ang Overseas Workers Welfare Administration sa pagtulong sa kanilang paglikas at ligtas na biyahe pauwi ng bansa.

“Sa haba po ng biyahe na pinagdaanan namin by land na hindipo namin alam kung ano po ang mangyayari sa amin. Thank you din po, Gov, sa tulong pinansyal. Malaking bagay po ito sapagbabalik namin dito sa Pilipinas, malaking tulong po ito para sa amin,” aniya.

Nagbigay rin ng tulong pinansyal si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ng OWWA at DMW.