Tingga ibinaon sa batok ng pulis, patay

Isang tama ng bala sa kanyang batok ang ikinasawi ng isang 50-anyos na pulis matapos barilin ng isang lalaki habang isang babae naman ang sugatan sa naganap na pamamaril sa Barangay Panginay, Guiguinto, Bulacan, Linggo ng gabi, Marso 8.
Kinilala ni PCol Angel Garcillano ang biktima na si Police Master Sergeant Jose Uring, nakatalaga sa PNP Provincial Inteligence Unit ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa Camp Gen.Alejo Santos sa Malolos City, habang sugatan naman si Jorelyn Acedera 54 anyos residente ng Brooklyn Heigths Subd. sa nabangit na lugar.
Victim: PMSgt Jose Uring
Sa imbestigasyon ng Guiguinto PNP, malapitang binaril ng salarin ang biktima sa kaniyang batok na agad nitong ikinamatay.
Sinubukan pang dalhin ang biktima sa ospital pero idineklarang dead-on-arrival.
Base sa panimulang imbestigasyon, dumalo ang biktima sa isang caucus para sa eleksyon ng mga opisyal ng home owners association ng Brooklyn Subdivision, Barangay Panginay, Guiguinto nang mangyari ang pamamaril.
Nabatid na kasalukuyan ngayong presidente ng nasabing HOA ang bktima at tumatakbo muli bilang presidente sa naturang samahan na siyang sinisilip na anggulo ng pamamaslang.
Nabatid na habang nakikipagkamay ang biktima sa mga co-home owner ay lumapit ang suspek sa gawing likuran nito at bumunot ng baril at pinaputukan sa batok ang biktima na duguang bumulagta.
Nabatid pa na nang papatakas ang suspek ay ilang mga nakasaksi ang sumubok na harangin at pigilan ang suspek kayat pinaputukan din ng suspek ang mga ito at tinamaan ang isang ginang na ligtas na ngayon ang kalagayan sa pagamutan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo ng krimen kung ito ay may kaugnayan sa kanyang pagka-pulis o dahil sa pagtakbo niya bilang presidente ng home owners association.
Paniwala ng pamilya ng biktima na posibleng may kaugnayan ang muling pagtakbo ni Uring bilang presidente ng asosasyon.