Food Poison: 123 estudyante isinugod sa ospital sa Pampanga

Photos from CSFP- City Information Office
Nauwi sa pangamba at pag-aalala sa mga magulang ng nasa 123 estudyante matapos sabay-sabay na makaranas ng pagkahilo, pagsusuka at diarrhea dahil sa ‘food poisoning’ habang sisinasagawa ang feeding program activity sa Maimpis Integrated High School sa City of San Fernando, Pampanga Huwebes ng hapon, March 5.
 
Sa inisyal na ulat, isang feeding program ang isinasagawa sa nasabing paaralan na inorganisa ni dating Board Member Mylyn Pineda-Cayabyab kung saan naganap ang di inaasahangpangyayari nang sabay-sabay na isinugod sa pagamutan ang mga apektadong mag-aaral.
 
Ang mga biktima ay pawang mga Grade 7 hanggang Grade 10 na ayon sa imbestigasyon ay kumain umano ng fried chicken at kanin sa nasabing feeding program.
 
Napag-alaman na 22 sa mga biktimang estudyante ang nakitaan ng senyales ng dehydration at kinailangang lagyan ng intravenous o IV fluids pero agad din namang na-discharge kasama ang iba pang mga mag-aaral matapos maging stable ang kanilang kondisyon.
 
Nabatid na agad nakipag-ugnayan ang nasabing paaralan sa City Health Office ng Pampanga at sa Barangay Hall kung saan kinakailangan na dalhin ang mga biktima sa pagamutan na agad naman inaksyunan ng mga CHO staff at barangay officials ng Barangay Maimpis sa pangunguna ni Barangay Chairwoman Susan Serrano.
 
Sinalo na rin umano ng kampo ni Pineda-Cayabyab ang gastusin sa pagpapagamot at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga magulang ng mga estudyante.
 
Sa panig ng Pamahalaang Panlalawigan, sinabi ni Dr. Dax Tidula ng PHO-Pampanga na nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng Department of Health – Provincial Epidemiology and Surveillance Unit upang matukoy kung ano ang sanhi ng hinihinalang food poisoning.
 
Habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri, nananatiling naka-monitor ang mga health authorities upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa mga susunod na feeding program. 
 
Napag-alaman na sa nasabing aktibidad, may kabuuang 381 mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 10 ang kabilang sa feeding program. Sa paunang tala, 119 mag-aaral ang nairefer at nakonsulta sa GreenCity Medical Center, kabilang ang dalawang (2) mag-aaral na una nang dinala sa Ricardo P. Rodriguez District Hospital upang mabigyan ng kinakailangang medikal na pagsusuri at pangangalaga.