“MINAHAL KITA”- SI KRISTO SA PANIG NG ANAKPAWIS

(𝘿𝙞𝙡𝙚𝙭𝙞 𝙏𝙚 – 𝘽𝙤𝙤𝙠 𝙤𝙛 𝙍𝙚𝙫𝙚𝙡𝙖𝙩𝙞𝙤𝙣 3:9) Sa paglulunsad ng Labor Consultative Assembly na inisyatiba ni Bishop Gerardo “Gerry” Alminaza, Pangulo ng Caritas Philippines, ipinaalala sa Simbahan at sa sambayanan ang isang mahalagang katotohanan: ang paggawa ay hindi lamang usaping pangkabuhayan. Ito ang araw-araw na larangan kung saan nasusukat kung ang dignidad ng tao ay iginagalang o niyuyurakan.

Sa harap ng halos 500 lider-manggagawa at kasapi ng mga unyon, iniugnay ni Bishop Alminaza ang paninindigan ng Simbahan sa pariralang biblikal na 𝗗𝗶𝗹𝗲𝘅𝗶 𝗧𝗲—Latin para sa “Minahal Kita” (Pahayag 3:9).

Ang mensaheng ito, aniya, ay lalo nang nakatuon sa mga manggagawang nabubuhay sa kawalan ng katiyakan, sa mga itinataboy sa laylayan ng lipunan, at sa mga nakararanas ng pagsasamantala.

Paalala ito na ang kanilang dangal ay nagmumula sa Diyos at hindi sa halaga ng sahod o tubo ng merkado. Sa salitang “Minahal Kita,” malinaw ang puso ni 𝐊𝐫𝐢𝐬𝐭𝐨: hindi Siya nananatiling tahimik sa harap ng hirap ng Kanyang mga anak.

Bishop Gerardo “Gerry” Alminaza, Pangulo ng Caritas Philippines

Siya ay nakikiisa sa dukha, sa kontraktwal, sa mababa ang sahod, at sa babaeng manggagawang pasan ang bigat ng trabaho at pamilya. Ang preferential option for the poor ay hindi lamang panawagan ng awa, kundi isang paanyaya sa buong Simbahan na pumili ng panig—panig ng katarungan at panig ng mga inaapi.

Hindi dapat ituring ang mahihirap bilang simpleng tumatanggap ng tulong. Sila ay kapwa tagapagmana ng Ebanghelyo at kabahagi sa misyong mapalaya ang lipunan mula sa kasalanan ng kasakiman at kawalang-malasakit.

Sa pabrika, sa piketlayn, at sa mga pamayanang maralita, patuloy na naglalakad si Kristo kasama ng Kanyang bayan.

Tila ang sistemang umiiral ay mas inuuna ang tubo kaysa buhay, at kapakinabangan ng iilan kaysa kapakanan ng nakararami, ay sugat sa katawan ng sangkatauhan at kasalanan laban sa Diyos.

Ang kontraktwalisasyon, sahod na hindi sapat para sa disenteng pamumuhay, at ang pagkait sa karapatang magbuklod bilang unyon ay mga makabagong anyo ng pagdurusa ni 𝐊𝐫𝐢𝐬𝐭𝐨 sa kasaysayan.

Sa bawat manggagawang pinahihirapan, si Kristo ay muling ipinapako sa krus. Pinagtibay din ni Bishop Alminaza ang mahalagang papel ng mga unyon bilang tanda ng pagkakapatiran at pagkakaisa, at hinamon ang mga institusyon ng Simbahan na manguna sa mabuting halimbawa—sa pagbibigay ng makatarungang sahod at maayos na kalagayan sa paggawa sa loob mismo ng mga paaralan, ospital, at tanggapan ng Simbahan.

Dumalo Ang lider at kasapi ng Kilusang Mayo Uno, Bukluran Ng mga Manggagawang Pilipino, NCL, FFW at iba pang independent union. Atty. Luke Espiritu, Chairman ng Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino

Ang Simbahan ay hindi dapat maging tagamasid lamang, kundi isang Ina na tumatayong kasama ng Kanyang mga anak sa oras ng pagsubok.

Bilang tugon sa mga sugat ng lipunan, iminungkahi niya ang pagsasabuhay ng 𝐇𝐚𝐲𝐮𝐦𝐚 𝐟𝐫𝐚𝐦𝐞𝐰𝐨𝐫𝐤, isang konseptong Bisaya na nagpapahayag ng sama-samang proseso ng pagpapagaling at pagpapanumbalik ng nasira—sa tao, sa komunidad, at sa ugnayan sa kalikasan.

Ang 𝐇𝐚𝐲𝐮𝐦𝐚 ay panawagan sa kolektibong pananagutan upang paghilumin ang mga bitak na nilikha ng mga di-makatarungang sistema.

Sa bawat manggagawang inaapi, patuloy na bumubulong si 𝐊𝐫𝐢𝐬𝐭𝐨: “𝐌𝐢𝐧𝐚𝐡𝐚𝐥 𝐊𝐢𝐭𝐚.” At sa bawat Kristiyanong nalilito at natatangay ng panlilinlang ng makasariling interes ng iilan, marahang nagtatanong ang Panginoon: “Kanino ka papanig?”

Nawa’y manatiling liwanag ang wagas na pag-ibig ni 𝐇𝐞𝐬𝐮𝐤𝐫𝐢𝐬𝐭𝐨 upang gabayan ang ating budhi sa gitna ng kalituhan, at palakasin ang ating loob sa pagtatanggol sa dangal ng paggawa at sa pagtataguyod ng katarungan para sa lahat.