Bangkay ng pulis natagpuan sa ginagawang septic tank sa Bulacan

Isa pang pulis na ilang araw nang reported missing ang natagpuang isa nang bangkay sa isang ginagawang septic tank sa loob ng bakuran ng anak ng isang beteranong journalist kaninang madaling-araw sa  Green St., Felicissima Village, Barangay Mojon, City of Malolos, Bulacan, Enero 31.
 
Kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr. 46, may-asawa at residente ng 1026 Aldama St. Sta Barbara, Baliuag City, Bulacan.
 
Ang biktima ay ine-report ng kaniyang asawa na nawawala noon pang Enero 25.
 
ang septic tank kung saan itinapon ang bangkay ni PSSgt Renato Casauay Jr.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, Enero 24, 2026 ay nagtungo ang biktima kasama si PCpl Vivencio Abalos, miyembro ng Malolos City Police sa bahay ni Oliver Paul Mauricio, alyas “Sampol”, anak ng beteranong journalist na si Orlan Mauricio upang kuhanin ang regalong alak dahil birthday mismo ng biktima ng araw na yun.
 
Naroon din ang isang nakilalang Julian Salamat, residente ng Barangay Sto. Nino, Malolos na umanoy isang asset.
 
Ayon sa police report, hindi umano nagustuhan ni Salamat ang biro ng biktima na humantong sa pamamaril na ikinasawi ng pulis.
 
Nang mga oras na yun ay itinapon sa ginagawang poso negro sa isang open lot sa nasabi ring lugar ang bangkay ng biktima hanggang sa nitong Enero 30 ay nakatanggap ng report ang Malolos Police hinggil sa naganap na krimen at agad na ikinasa ang joint operation at tinungo ng mga operatiba ang nasabing lugar at dito ay natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng biktima bandang alas-1:30 ng madaling-araw, Enero 31.
 
Itinuturing na main suspect si Salamat na subject for manhunt, habang sina PCpl Abalos at Oliver Mauricio na arestado na ngayon habang ang journalist na si Orlan Mauricio naman na ama ni Oliver ay itinuturing din suspek sa krimen, ayon sa report ng Malolos Police.
 
Kasalukuyan namang pinaghahanap na ng mga operatiba si Orlan Mauricio upang bigyan linaw kung may kinalalaman ito sa naturang krimen.
 
Samantala, sa chat message ni Orlan Mauricio, sinabi nito na idinadawit lamang siya dahil anak niya si Oliver at wala umano siyang kinalaman dito. Giit din niya na hindi siya ang may-ari ng lote kung saan natagpuan  ang bangkay.