
Magkasamang nag-inspeksyon sina Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian at National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo Guillen sa solar-powered irrigation system at Dam sa lalawigan ng Bulacan nitong Huwebes kung saan binigyang diin ang kahalagahan ng renewable energy upang makatipid sa gastusin sa kuryente para patubigan ang mga sakahan.
Unang binisita ni Gatchalian ang Kapatiran Solar Pump Irrigation System sa Barangay Sampaloc, San Rafael, Bulacan kasama ang mga opisyales ng National Irrigation Administration (NIA).
Kasunod na tinungo ng senador ang Bustos Dam upang alamin ang kalagayan nito at ang huling binisita ay ang Bulo Reservoir Irrigation System sa bayan ng San Miguel.
Sa kaniyang isinagawang study visit kasama ang mga opisyales ng NIA, inalam ni Gatchalian ang mga karagdagang pangangailangan pa ng mga magsasaka partikular na sa mga solar pump irrigation system dito.
Sa ginanap na dialogue kasama ang mga magsasaka at irrigators mula sa bayan ng San Rafael, Bustos at San Miguel, binigyan-diin ni Administrator Guillen ang kahalagahan kung ang lahat ng irigasyon ay pawang pinapatakbo o solar-powered na ang mga ito.
Sinabi ng senador na natutuwa ito at nakaharap niya ang mga irrigators at magsasaka at personal na nabisita ang irrigation system sa probinsiya.
“Maganda yun solar nakita ko, malaking tipid at isa siguro yan na dapat itulak pa para sa buong bansa. Laking tipid sa kuryente at pagnakatipid tayo ay malaking bagay yan para sa ibang mga proyekto,” wika ni Gatchalian.
Aniya, mainam na maintindihan niya personal kung paano siya makakatulong sa mga magsasaka kaya importante umano ang ganitong mga ocular inspection. Ganun din aniya na malaman kung paano masusuportahan ang NIA.
Samantala naniniwala si Sen. Gatchalian na walang magiging anomalya o ghost project sa ahensiya ng NIA kumpara sa ahensiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Natutuwa ako nakaharap ko ang mga irrigators at sila mismo nagsabi na from planning all the to implementation kasali ang mga magsasaka. Mahalaga yan e, sa DPWH wala kasing ganun kaya maraming nakalusot na ghost project,” wika ng senador.
Aniya, sa NIA mahirap umanong makalusot dahil sa ginagawang public participation na napakaganda dahil nalalaman ng mga magsasaka kung saan napupunta ang mga projects.





