Pinalaking Baliwag Central Terminal, dinisenyong ‘passenger at business-friendly’

Pinasinayaan na ang mas pinalaking Baliwag Central Terminal na matatagpuan sa northbound lane ng Daang Maharlika sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan.

LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan – Pinasinayaan na ang mas pinalaking Baliwag Central Terminal na matatagpuan sa northbound lane ng Daang Maharlika sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan.

 

Dinisenyo ito na mas lalong maging passenger-friendly tulad ng pagdaragdag ng mga upuang hantayan, pinainam na mga bus loading and unloading bay, at ligtas na pilahan ng mga dyip at mga tricycle. Kumpleto na rin ito sa mga bilihan ng pasalubong dahil sa pagkakaroon ng One Town, One Product (OTOP) kiosks, fitness facility at ang pinakamalaking sangay ng Ace Builders hardware sa Asya.

 

Pinangunahan ni Baliwag City Mayor Sonia Estrella ang pagpapasinaya sa 6,000 square meters na naidagdag sa Baliwag Central Terminal. Itinayo ito sa lupang pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag na pinondohan ang konstruksiyon ng SM Supermalls sa ilalim ng public-private partnership (PPP).

 

Taong 2015 nang pinagtibay ang naturang PPP na nagpataas ng antas ng sistema ng transportasyon sa Baliwag, at nakatulong para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa bahaging ito ng Daang Maharlika. Unang nabuksan sa publikong mananakay ang Baliwag Central Terminal noong 2016 at sinimulang palakihin pagpasok ng mga taong 2020s.

 

Katabi ng naturang terminal ang Baliwag Government Center (BGC) kung saan matatagpuan ang modernong Business One-Stop Shop (BOSS), Baliwag Chamber of Commerce and Industry, sangay ng Baliwag Polytechnic College, Baliwag Star Arena, Climate Change Center at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Community Environment and Natural Resources (CENRO)

 

Ayon sa punong lungsod, patunay ang pasilidad na isang investors-friendly ang Baliwag. Matatandaan na ginawaran ng Special Citation ang lungsod ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) noong 2025, dahil sa pananatiling epektibo ng mga patakaran sa pagnenegosyo tulad ng mabilis na pag-aapruba ng business permit.

 

Ilang beses na ring naitala sa City and Municipality Competitiveness Index (CMCI) na Most Competitive First Class Municipality ang Baliwag bago maging ganap na lungsod noong 2022.

 

Samantala, muling hinikayat ni Mayor Estrella ang mga potensiyal na mamumuhunan na patuloy na maglagak ng negosyo sa lungsod dahil marami pa aniyang non-agricultural land dito na uubrang paglagakan upang lalong dumami ang trabaho dito.