P557K shabu nasamsam sa 2 suspek sa SJDM

Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS), Bulacan Police Provincial Office, ang dalawang tulak ng droga sa isang buy-bust operation kontra ilegal na droga na isinagawa noong Enero 16, 2026, bandang alas-1:17 ng madaling araw sa Brgy. Sto. Cristo, San Jose del Monte, Bulacan.
 
Ayon sa ulat ng SJDM CPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jingkay,” 45 taong gulang, at alyas “Janricks,” 24 taong gulang.
 
Ang operasyon ay isinagawa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU), SJDM CPS, matapos umanong magbenta ang mga suspek ng isang (1) sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap bilang buyer, kapalit ng isang (1) limang daang piso na marked money.
 
Sa isinagawang protective search, narekober mula sa mga suspek ang marked money at karagdagang dalawang (2) sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang ng nasamsam na humigit-kumulang 82 gramo na may tinatayang standard drug price na Php 557,600.00.
 
Ang mga naarestong suspek at ang mga ebidensiya ay dinala sa SJDM CPS para sa kaukulang dokumentasyon at isinailalim sa forensic examination, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Article II, Sections 5 at 11 ng RA 9165 na isasampa laban sa kanila.
 
Ayon kay PCol Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ng Bulacan PNP ang mga operasyong kontra ilegal na droga upang tuluyang masugpo ang illegal drug activities at mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan sa lalawigan ng Bulacan.