
CAMP GENERAL ALEJO S SANTOS, Malolos City, Bulacan — Mabilis na naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang isang lalaking suspek sa kasong Robbery by the use of force and intimidation matapos ang isinagawang hot pursuit operation kaugnay ng insidenteng naganap noong Enero 15, 2026 sa Santos Residence (Keox Truck Parts) sa kahabaan ng Cagayan Valley Road, Brgy. Matimbubong, San Ildefonso, Bulacan.
Sa report ni PLtCol Gilmore Wasin, Hepe ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS) kay Bulacan PPO provincial director PCol Angel Garcillano, ang biktima ay isang babae na kasalukuyang naghahanda para pumasok sa paaralan nang pasukin ng suspek ang ikatlong palapag ng bahay at tutukan siya ng isang baril.
Sa pamamagitan ng dahas at pananakot, tinangay ng suspek ang dalawang (2) cellular phone, isang (1) tablet, at isang wallet na naglalaman ng mga identification card at halagang Php 300.00 bago tumakas patungong timog na direksyon.
Kaagad na nagsagawa ng follow-up at hot pursuit operation ang Tracker Team ng San Ildefonso MPS sa pakikipag-ugnayan sa intelligence operatives ng Cabanatuan City Police Station at Aliaga Municipal Police Station ng Nueva Ecija Police Provincial Office.
Bunga ng koordinadong operasyon, matagumpay na naaresto ang suspek na kinilalang si alias Marlon, 37 taong gulang, may asawa, driver, at residente ng Brgy. Umangan, Aliaga, Nueva Ecija.
Nabawi mula sa suspek ang mga personal na gamit na ginamit at ninakaw sa krimen, kabilang ang isang iPhone 11, Itel tablet, at isang replica pistol.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa San Ildefonso MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ayon kay Col. Garcillano ang mabilis na pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng maagap na pagtugon at matibay na koordinasyon ng kapulisan at ng mga katuwang na yunit.
Binigyang-diin niya na hindi palalampasin ng Bulacan Police ang anumang krimen, lalo na yaong kinasasangkutan ng karahasan laban sa kabataan, at patuloy nilang sisikapin na matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng mga mamamayan sa lalawigan ng Bulacan.





