1,939 Katutubong Dumagat tumanggap ng ‘Pamaskong Handog’ sa Bulacan

Pinangunahan ni Gov. Daniel R. Fernando Vice Gov. Alexis Castro kasama si Rowena Tiongson hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang pamamahagi ng food packs ‘Pamaskong Handog’ para sa 1,939 pamilyang Dumagat na naninirahan sa kabundukan ng Barangay Kalawakan at Barangay Camachin sa Doña Remedios Trinidad (DRT) at sa Barangay Bigte sa  Norzagaray noong Biyernes, January 9. Kuha ni ELOISA SILVERIO
Nasa 1,939 pamilya na mga ‘Kabalat’ o Dumagat ang tumanggap ng food packs mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ginanap na pamamahagi ng  ‘Pamaskong Handog’ sa bayan ng Doña Remedios Trinidad at Norzagaray noong Biyernes.
 
Mismong sina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro ang nanguna sa pamamahagi nito sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni Rowena Tiongson.
 
Unang dinalaw ni Fernando at Castro ang mga Dumagat sa Barangay Kalawakan at Camachin sa DRT bandang umaga at sa hapon naman ay isinunod ang Barangay Bigte sa Norzagaray.
 
Ayon kay Fernando, ang pamamahagi at paghatid ng kaunting ayuda sa mga ‘katutubo’ o ‘kabalat’ ay upang ipadama sa mga ito na patuloy ang pagkalinga ng pamahalaang panlalawigan sa mga katulad nila na namumuhay sa kabundukan.
 
Nabatid na nasa 1,006 pamilyang Dumagat ang nagmula sa bayan ng DRT habang 933 pamilya naman sa Norzagaray.