PBBM, inutos ang pagtaas ng base pay ng military at uniformed personnel

Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtaas ng base pay para sa military at uniformed personnel (MUP), bilang pagkilala sa pagharap nila sa mga panganib, kabilang ang paglalagay ng kanilang buhay sa peligro upang mailigtas ang iba.

 

“Nitong nagdaang taon at mga buwan, hinarap natin ang mga hamon ng kalikasan — malalakas na bagyo, magkakasunod na lindol, pagputok ng bulkan, at mga pagbaha,” sinabi ng Pangulo sa isang video message nitong Miyerkules.

 

“Sa gitna nito, naging matibay na sandigan ng bayan ang ating mga military at uniformed personnel o MUP,” dagdag niya.

 

“Bilang pagkilala sa inyong walang sawang paglilingkod, dedikasyon, at husay, ating itataas ang base pay ng MUP,” inanunsyo ng Commander-in-Chief.

 

Ayon kay Pangulong Marcos, saklaw ng pagtaas ng base pay ang mga military at uniformed personnel mula sa Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

 

Ipatutupad ang pagtaas sa tatlong tranches — sa Enero 1, 2026; Enero 1, 2027; at Enero 1, 2028.

 

Bukod dito, magiging PhP350 kada araw ang subsistence allowance ng lahat ng MUP simula Enero 1, 2026.

 

Binigyang-diin ng Pangulo na naging matibay na suporta ng bansa ang military at pulisya, at kahit may mga banta sa seguridad, nananatiling ligtas ang publiko dahil sa kanilang presensya.

 

“Ang ating mga MUP ang unang tumutugon sa tawag ng tungkulin, kahit kaakibat nito ang mga banta sa kanilang kaligtasan,” sabi ng Pangulo.

 

Dagdag pa niya, sa lupa man, sa dagat, o sa himpapawid, hindi nag-aatubiling isapanganib ng military at uniformed personnel ang kanilang kaligtasan para sa kapakanan ng bawat Pilipino.

 

Tungkulin naman ng pamahalaan na protektahan ang mga nagtatanggol sa bayan.

 

“Naniniwala ang Administrasyong ito na ang mga nagtatanggol sa bayan ay nararapat ding protektahan ng pamahalaan. Makatarungang sahod at sapat na suporta — ito ang handog ng sambayanan sa ating mga tagapagtanggol,” wika ng Pangulo.